Ni: Mina Navarro
Hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa international airport sa Mactan, Cebu ang isang babaeng Chinese na wanted sa kasong pandaraya sa China.
Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang puganteng dayuhan na si Fan Wenxin, 44, na dinampot noong Hunyo 10 nang dumating sakay sa Malaysian Airlines flight mula sa Singapore.
Si Fan, naturalized citizen ng St. Kitts and Nevis, ay naglabas din ng Vietnamese passport, na may pangalan na Troung An Lan, upang maitago ang tunay niyang pagkakakilanlan.
Dahil dito, pinagbawalan siyang makapasok sa bansa at binigyan ng exclusion order dahil sa pagiging undesirable alien. Bigo rin si Wenxin na maipakita ang kanyang return ticket.
Matapos iparating sa konsulado ng China, agad binigyan si Wenxin ng travel document upang mapabalik sa China at harapin ang kanyang kaso.
Isang kinatawan mula sa Interpol bureau ng China at dalawang Chinese police ang umalalay kay Wenxin sakay sa Xiamen Airlines flight patungong Fuzhou, China noong Hunyo 13.