Ni FER TABOY

Arestado ang kilabot na bomb expert ng Abu Sayyaf Group (ASG) at sinasabing close escort ng leader ng teroristang grupo na si Isnilon Hapilon sa joint operation ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa isang liblib na sitio sa Zamboanga City, nitong Sabado ng madaling araw.

Ayon kay Col. Leonel Nicolas, commander ng Joint Task Force Zamboanga, ang naarestong si Hamsi Amajad Marani, alyas Hamsi, ay eksperto sa paggawa ng bomba at sinanay ng Indonesian terror group na Jemaah Islamiyah.

Napag-alaman din na kabilang si Marani sa grupo ng Abu Sayyaf na nakikipagbakbakan sa tropa ng militar sa Sulu at Basilan sa nakalipas na mga buwan.

Probinsya

Labi ng dalagang inanod ng baha noong bagyong Kristine, natagpuan sa isang creek

Naaresto si Marani sa Purok 4, Sitio Niyog-Niyog, Barangay Muti, Zamboanga City bandang 1:30 ng umaga nitong Sabado.

Sinabi ni Nicolas na si Marani ang nagsisilbing close escort ng ASG leader na si Isnilon Hapilon, na nanguna sa pagkubkob sa Marawi City, Lanao del Sur nitong Mayo 23.

Nakumpiska mula kay Marani ang mga materyales sa paggawa ng bomba.

Nabatid ng militar na mismong mga residente ang nagbigay ng impormasyon sa mga awtoridad matapos na mamataan ng mga ito ang presensiya ni Marani sa naturang liblib na barangay.

“The vigilant people of Zamboanga City will never allow any notorious group or individuals to thrive and stay within their peaceful and progressive place,” sabi ni Nicolas.

Nakapiit ngayon si Marani sa himpilan ng Zamboanga City Police Office (ZCPO) at nakatakdang kasuhan.