Yoko copy

Ni: AFP

HALOS kalahating siglo simula nang ilabas ni John Lennon ang Imagine, kinikilala na sa wakas ang kanyang biyuda at artistic collaborator na si Yoko Ono bilang co-writer ng naturang awitin.

Inihayag ito kasabay ng deklarasyon sa iconic 1971 ode to world peace bilang “song of the century” sa isang gala nitong nakaraang Miyerkules sa New York ng National Music Publishers Association.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Nang umakyat sa stage si Yoko at ang kanilang anak na si Sean Lennon para tanggapin ang tropeo, hindi inaasahang inihayag ng asosasyon na si Yoko ay isasama sa songwriting credits.

Ipinalabas sa gala ang panayam ng BBC kay John Lennon noong 1980, ilang sandali bago siya pinatay, nang sabihin niya na ang Imagine ay inspired ng ilang linya sa conceptual art book ni Yoko na Grapefruit.

“Imagine should have been credited as a Lennon/Ono song. If it had been anyone other than my wife I would have given them credit,” sabi ni John Lennon.

Kalaunan, sinulat si Sean Lennon sa Facebook na ang announcement ay “proudest day of my life.”

Pinasiglang lalo ng punk godmother na si Patti Smith at ng kanyang anak na si Jesse Smith ang okasyon sa pagtugtog ng Imagine habang tinatanggap ng mag-ina ang award.

Si Ono, isang avant-garde artist nang magkakilala sila ng noon ay Beatle member, ay naging katuwang ni John sa maraming bagay at sinikap na mapanatiling buhay ang legacy ng asawa simula nang pumanaw ito.

Ang Imagine, na nananawagan ng pagkakaisa, ay nananatiling isa sa most recognizable tracks ng pop music at anthem ng peace activists.

Malabong magkaroon ng personal na problema sa hinaharap si Yoko dahil siya na ang tagapagmana ng estate ni Lennon.

Ngunit ang pagbabago ay maaaring magkaroon ng practical effect dahil sa ilalim ng batas ng US, ang mga awitin ay nasa public domain na, ibig sabihin ay hindi na tumatanggap ang mga manunulat ng royalties, 70 taon simula sa publication, ngunit sa pagdagdag kay Yoko ay posibleng mapalawig ito.

Hindi na lingid sa publiko ang iringan ni Yoko at ng Beatle na si Paul McCartney kaugnay ng songwriting credits.

Karaniwang nilalagdaan ng Beatles ang kanilang mga awitin bilang “Lennon-McCartney,” at magkahati ang matagal nang magkaibigan sa credit ng ilang all-time hits sa musika.

Nang mabuwag ang grupo, sinimulang baguhin ni McCartney ang order sa McCartney-Lennon sa mga awitin na aniya ay siya ang namuno, na labis na tinutulan ni Yoko.