Ni: Mars W. Mosqueda, Jr.

MEDELLIN, Cebu – Isang barangay chairman sa Cebu, na kabilang sa listahan ng “narco-politicians” ni Pangulong Duterte, ang naaresto nitong Huwebes ng gabi kasama ang isa pang kapwa niya opisyal ng barangay sa bayan ng Medellin.

Dinakip si Rene Olivar, chairman ng Barangay Lamintak Norte, 55, at presidente ng Association of Barangay Councils (ABC) sa Medellin, ng mga operatiba ng Provincial Intelligence Branch ng Cebu Police Provincial Office sa illegal possession of firearms.

Inaresto rin ang kagawad niyang si Rex Baterna, 40, sa illegal possession of firearms at sa pag-iingat umano ng ilang pakete ng hinihinalang shabu. Kapwa high-value targets sina Olivar at Baterna, ayon sa pulisya.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Armado ng search warrant, nakumpiska ng mga awtoridad mula kay Olivar ang isang .29 caliber revolver, habang bukod sa maliliit na pakete ng shabu ay nakuhanan din ng .38 caliber revolver si Baterna.

Bagamat inamin ni Olivar na sa kanya ang hindi lisensiyadong baril, itinanggi naman niya ang mga alegasyon na sangkot siya sa droga at ilegal na sugal. Sinabi niyang napasô na ang lisensiya ng kanyang baril.

Itinanggi rin ni Baterna ang mga akusasyon laban sa kanya.

Sinasabing ang mga suspek ay mga financier umano ng hinihinalang drug pusher na si Kim Flores Imbento, na napatay sa pakikipagbarilan sa mga pulis-Medellin nitong Huwebes ng umaga. Kapwa itinanggi ng dalawa na may kinalaman sila kay Imbento.