Ni: ARGYLL CYRUS GEDUCOS at BETH CAMIA
Hiniling kahapon ng Malacañang at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa publiko na magkaisa laban sa terorismo dahil hindi ito isang simpleng bakbakan lamang, kundi isang pakikipaglaban ng kabutihan laban sa kasamaan.
Ito ay kaugnay ng panawagan ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa mga miyembro at tagasuporta nito na magsagawa pa ng mga pag-atake sa iba’t ibang bansa, kabilang ang Pilipinas.
Dahil dito, nanawagan kahapon ni AFP spokesperson BGen. Restituto Padilla sa mga Pilipino na huwag hayaang mangyari sa buong bansa ang nagaganap ngayong kaguluhan sa Marawi City, Lanao del Sur.
“Yes, merong lumabas na panawagan itong grupong (ISIS) ito, at ‘yun nga ang nakakatakot. Kaya nga po kami ay nakikiusap sa lahat na magkaisa tayo,” ani Padilla. “‘Wag nating payagan na ito ay mangyari sa atin. Nakita naman ninyo ang karahasan na nangyari sa Marawi. Kung ganyan po ang gagawin sa buong Pilipinas, kailangan po talagang bantayan natin.”
“We must all work together, issue out a united and collective public condemnation of all these things that are happening in Marawi now, and join hands in resisting the entry of this evil force,” dagdag pa ni Padilla. “This is no longer a simple matter. It is already a fight between good and evil and you must all realize that by now.”
‘UNITED STAND’
Sinegundahan naman ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella ang sinabi ni Padilla at umapela sa publiko na isantabi muna ang pulitika at pagkakaiba-iba dahil may seryosong banta sa soberanya ng bansa.
“The Philippines needs to make a united stand and we must understand that it is no longer intramurals within ourselves but we need to be united against a common [enemy],” ani Abella. “Our sovereignty is being confronted and we believe it is time to set aside petty politics and things that separate us. It’s really high time, and I believe this is a call to the Filipino nation to be able to stand together as one. It’s high time we do that.”
‘NO MORE DEADLINES’
Sinabi rin ni Padilla na hindi na magtatakda ng deadline ang gobyerno kaugnay ng paglipol sa Maute Group na kumubkob sa Marawi nitong Mayo 23, matapos na mabigo ang pamahalaan na mapalaya sa mga terorista ang siyudad sa ikatlong deadline nitong Hunyo 12, Araw ng Kalayaan.
“No more deadlines. We will ensure that we are able to clear it of any armed element that may still exist. And it may need some time,” ani Padilla. “It will entail time. Kaunting pasensiya lang po, pero nandiyan na tayo. Nag-iingat lang po tayo na hindi makasakit sa iba.”
Kaugnay nito, nilinaw ng AFP na hindi kailanman bobombahin ng militar ang mga mosque kahit pa nagtatago roon ang mga terorista.
“I would like to clarify that the Armed Forces will not bomb — and I would like to read this — the mosque in the area,” ani Padilla, iginiit na sagrado ang mosque para sa mga Muslim.
TUMATANGGAP NG AYUDA
Nilinaw din ng AFP na bukas sila sa tulong, maging galing sa Russia at China, sa paglaban sa mga terorista sa Marawi, at hindi lamang sa Amerika.
Aniya, kaagad na nakapagpadala ng tulong na teknikal ang militar ng Amerika dahil nasa Western Mindanao Command lamang ang tropang Amerikano, alinsunod sa Mutual Defense Treaty ng Amerika at Pilipinas.
11 KINASUHAN NG REBELYON
Samantala, pormal nang kinasuhan ng Department of Justice (DoJ) ng rebelyon ang ina ng Maute Brothers na si Farhana Maute at 10 iba pa kaugnay ng krisis sa Marawi.
Kinumpirma ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na bukod kay Farhana, kinasuhan na rin ng rebelyon sa Misamis Oriental Regional Trial Court sina dating Marawi City Mayor Fajad Salic, Sumaya Bangkit Masakal, Radiea Tugosa Asire, Mariam Ibnu Abubakar, Zafeerah Rosales Musa, Nehreen Macaraya Abdul, Nora Moctar Limgas, Mardiyya Haji Ali, Sumayya Lawi Ali, at Noronisa Haji Camal.