Ni: Erik Espina
NITONG Marso, naghain ng panukala si dating Pangulong Gloria Arroyo na tinaguriang CSTC (Basic Citizen Service Training Course). Sa kanyang press release, ito ay mas mainam na bersiyon ng Reserve Officers Training Course (ROTC) at palalawakin pa sa pagbasura sa kasalukuyang NSTP o National Service Training Program (RA 9163), na kung matatandaan ay kinopya ni dating Pangulong FVR sa ibang bansa (Singapore).
Sa ilalim ng pamamahala ni dating Pangulong Arroyo ginawang “optional” ang ROTC kaugnay ng pagkamatay ni UST ROTC Cadet Mark Chua. Ito ay upang makapili ng ibang pagsasanay ang mga mag-aaral sa kolehiyo.
Sa batingaw ng kasalukuyang Mambabatas ng Pampanga, ipinagdiinan ni Arroyo na nakapaloob sa kanyang bill na mandatory ang CSTC para sa lahat ng pribado o pampublikong pamantasan, kabilang ang vocational schools.
Nakapaloob sa kurso ang training para sa internal security, peace and order, disaster risk reduction and management.
Lahat ng mga nagtapos sa nasabing programa ay magiging bahagi ng Citizen Service Corps na maaaring ipatawag ng Pamahalaan, ng mga ahensiya nito, pati na ng Local Government Units upang ipagtanggol ang bansa sa panlabas na kalaban.
Marahil, mahalagang ipaalala kay Congresswoman Arroyo ang una naming pag-uusap noon sa Malacañang, kasama ang nagluluksang ama ni Mark Chua na si Welson. Pareho naming ipinaliwanag at hiningi ang kanyang pagkatig na huwag gawing “optional” ang ROTC. Nabalewala ito.
Napakahalaga nito ngayon upang lubusang maunawaan ng mga Mambabatas ang tawag ng panahon, magsagawa ng mga seminar o intelligence conference. Ito ay upang maintindihan nila ang antas ng kumakatok na hamon at peligro na kinakaharap ng ating bansa.
Pasintabi lang at dahil binabae pa rin ang ugali ng ilan sa ating opisyales. Nagbubulag-bulagan sa mandato ng ating Saligang Batas na magtayo ng ‘Citizen’s Armed Force’. Nangangarag ang ilan sa ating mga Kongresman at Senador na gumamit ng salitang “military” o “armed force” dahil sa matitining na boses sa unibersidad at lansangan. Gayahin natin ang South Korea, Taiwan, Israel na may katinuan humarap sa pagdepensa ng sariling bayan.