DAVAO CITY – Inihayag ng New People’s Army (NPA) na binihag nito ang 52-anyos na si SPO2 George Canete Rupinta bandang 4:30 ng hapon nitong Biyernes sa Barangay Tagugpo sa Lupon, Davao Oriental.

Sa isang pahayag, sinabi ni Rigoberto F. Sanchez, tagapagsalita ng NPA-Southern Mindanao Regional Operations Command, na nasa kustodiya ng kilusan ang pulis na iniimbestigahan dahil sa umano’y “anti-people activities” na isinagawa ng unit nito sa Lupon.

Sinabi pa ni Sanchez na kinumpiska ng mga miyembro ng NPA ang .9mm caliber pistol ng pulis.

Aniya, patuloy na nagsasagawa ang NPA ng “peace and order campaigns” sa nasasakupan nitong lugar, hindi gaya ng puwersa ng gobyerno na umano’y pinalubha ang “atrocious anti-people operations and all-out war in both urban centers and the countryside.”

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon kay Sanchez, pinaninindigan ng NPA ang posisyon nito sa kabila ng umiiral na batas militar sa Mindanao.

Kasabay nito, kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines-Eastern Mindanao Command (AFP-EastMinCom) na napatay sa Davao City nitong Linggo ang isang 17-anyos na rebelde makaraang magkabakbakan ang NPA at ang 16th Infantry Battalion ng Philippine Army, na ikinasawi rin ng dalawang sundalo.

Ang napatay sa panig ng NPA ay kinilalang si John Paul Satoqiua Cabase, alyas “Joshua”, 17 anyos, taga-Sitio Quarry, Bgy. Malabog, Paquibato District, Davao City.

Ayon sa report, nangyari ang bakbakan sa Sitio Bajada sa Paradise Embac, Paquibato District, nitong Sabado ng madaling araw.

Kinumpirma naman ni Arden Gallardo Garcia, pinsan ni Cabase, ang pagkakakilanlan ng pinsan at sinabi ring miyembro ito ng NPA.

Bukod sa dalawang sundalong napatay, anim na iba pa ang nasugatan sa engkuwentro.

Nasamsam naman ng militar mula sa mga rebelde ang isang M653 Colt AR18 na may mahabang magazine, dalawang jungle bag, isang bag ng sibilyan, electrical wire, at mga personal na gamit.

Kinondena naman ni Gen. Noel Clement, commander ng Joint Task Haribon, ang paggamit ng NPA ng mga menor de edad sa bakbakan. (ANTONIO L. COLINA IV at YAS D. OCAMPO)