Naghihintay na lamang ng pirma ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order (EO) para sa P10-bilyon rehabilitation program para sa Marawi City, inihayag kahapon ng Malacañang said Saturday.
Ang “Bangon Marawi” ay ang panukalang programa sa pagsasaayos at rehabilitasyon ng Marawi, na sinalakay ng nagsanib-puwersang Abu Sayyaf Group at Maute Group noong Mayo 23.
Sa ‘Mindanao Hour’ press briefing kahapon sa Radyo ng Bayan, sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na ang EO para sa programang Bangon Marawi ay nasa tanggapan na ngayon ng Office of the Executive Secretary (OES).
“Bangon Marawi will be undertaken by the Engineering Brigade of the Armed Forces of the Philippines (AFP) under the auspices to be named Undersecretary with the expressed purpose of bringing back residents and normal everyday life as soon as possible,” ani Abella.
Ayon kay Abella, ang pagsasakatuparan ng programa ay pagtutulung-tulungan ng Departments of Trade and Industry, Education, Public Works and Highways, Social Welfare and Development, Energy, Information and Communications Technology, at iba pa, sa pamumuno ng Department of National Defense (DND).
Sinabi ni Abella na aabutin ng minimum na anim na buwan ang rehabilitasyon sa Marawi makaraang malipol doon ang mga terorista.
Samantala, iniulat na inihahanda na rin ng DSWD ang milyun-milyong pisong pondo para sa mga pamilyang naapektuhan ng labanan sa Marawi.
Inihayag ni DSWD Secretary Judy Taguiwalo na aabot lamang sa P1,000 ang matatanggap na ayudang pinansiyal ng bawat pamilya na pambili ng pagkain ng mga ito sa panahon ng Ramadan.
Kukunin, aniya, ang pondo sa kanilang programang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).
(Argyll Cyrus B. Geducos at Rommel P. Tabbad)