HINDI pa namin napapanood ang performance ni Rachelle Ann Go sa Miss Saigon bilang Gigi Van Tranh at nabasa lang ang magagandang reviews sa iba’t ibang social media outlets simula nang magbukas ito last March 1 sa Broadway Theatre sa New York City.

Alam naming ibinigay ni Rachelle ang lahat ng kanyang nalalaman sa pagkanta at pag-arte at wala ring kaduda-dudang nalusutan niya ito with flying colors tulad ng pagganap niya sa Les Miserables bilang Fantine.

Ilang kakilala namin ang nakapanood na kay Rachelle sa Broadway at iisa ang kanilang verdict: magaling siya bilang Gigi.

Nang lumabas ang nominees ng 71st Tony Awards a month ago, inaasahan ng friends naming mapapasama ang pangalan ni Rachelle sa kategoryang best featured actress. Pero wala siya sa talaan ng mga nominado. Marahil, mas nakararami ang magagaling at nahigitan ang husay niya.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Sa cast ng Miss Saigon, tanging si Eva Noblezada (gumaganap na Kim) lang ang napansin ng jury. Maging si Jon Jon Briones na ubod ng galing bilang The Engineer, hindi rin lumusot sa mga hurado.

Gaganapin ang awards night sa June 11, US time at mapapanood dito sa atin sa June 12 sa CBS. Isa si Lea Salonga, 1991 Tony winner at original Kim sa Miss Saigon, sa presenter ng 71st Tony Awards.

Bago ang Tony sa linggo, nauna nang naglabas ang Broadway World ng kanilang listahan ng winners. Wagi si Rachelle ng Theater Fans’ Choice Awards for Best Featured Actress in a Musical para sa role nila sa Miss Saigon.

“Thank you everyone! Much love to all,” sambit ni Rachelle sa kanyang Twitter account.

Bago ang panalo ni Rachelle sa NYC, ginawaran na rin siya ng Best Supporting Actress in a Musical (Miss Saigon) sa 15th Annual WhatsOnStage Awards sa West End, London, at 2014 Broadway World UK bilang Best Featured Actress in a New Production of a Musical.

Sa darating na Nobyembre, iiwan na ni Rachelle ang Broadway Theatre at babalik na uli siya ng London para gumanap bilang Eliza Schuyler Hamilton sa West End production ng Hamilton ni Lin-Manuel Miranda.

Congrats, Rachelle! #PinoyPride. (LITO MAÑAGO)