TALAVERA, Nueva Ecija - Dalawang tama ng bala ang ikinasawi ng isang 52-anyos na lalaking may-ari ng kantina makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Purok 2, Barangay San Ricardo sa Talavera, Nueva Ecija, nitong Huwebes ng umaga.
Sa ulat na isinumite ng Talavera Police sa tanggapan ni Nueva Ecija Police Provincial Office director Senior Supt. Antonio C. Yarra, nakilala ang biktimang si Herminiano Buenavidez y Alcantara, 52, alyas “Dodong”, may asawa, at residente sa nasabing lugar.
Dakong 6:00 ng umaga at nasa loob ng kantina si Buenavidez nang biglang dumating ang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo at isa sa mga ito ang lumapit at bumaril sa biktima.
Sa pagsisiyasat, nabatid na may matagal na umanong alitan sa kaanak si Buenavidez bagamat nagpapatuloy pa ang imbestigasyon. (Light A. Nolasco)