CAMP GENERAL SIMEON OLA, Legazpi City – Pinagbabaril hanggang mamatay ang dalawang pulis sa magkahiwalay na insidente sa Bicol, simula nitong Huwebes ng gabi.
Ayon kay Senior Insp. Malu Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-5, pinagbabaril ng dalawang hinihinalang miyembro ng Special Partisan Unit (SPARU) ng New People’s Army (NPA) ang isang pulis sa Matnog, Sorsogon.
Kinilala ang biktima na si PO3 Ramir Sy Gutlay, 36, nakatalaga sa Matnog Police.
Sinabi ni Calubaquib na pinatay ang biktima sa gilid ng Tourism Office sa Barangay Camcaman, bandang 7:20 ng umaga kahapon.
Samantala, isa pang pulis ang pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang suspek sa Bgy. San Antonio Poblacion sa Nabua, Camarines Sur, dakong 7:25 ng gabi kamakalawa.
Kinilala ni Calubaquib ang biktima na si PO1 Noel Pili, ng Bgy. Divina Pastora, Bato at nakatalaga sa Iriga City Police. (Niño N. Luces)