Katarungan ang sigaw ng magulang ng 19-anyos na lalaki na pinagbabaril at pinatay ng apat na hindi pa nakikilalang lalaki sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.
Dead on the spot si Irish Nel Glorioso, ng Barangay North Bay Boulevard South (NBBS) ng nasabing lungsod, dahil sa mga tama ng bala ng cal. 45 sa ulo at katawan.
Sa salaysay ni Val Santos, saksi, dakong 1:00 ng madaling araw ay nakita niya si Glorioso na sakay sa motorsiklo at pinagitnaan ng dalawang lalaki na sakay din sa motorsiklo sa Road 10, NBBS.
May isa pa umanong motorsiklo na kinalululanan naman ng dalawa pang lalaki.
“Pinababa po nila ‘yung victim, tapos pagbaba saka pinagbabaril ng apat na lalaki,” ani Santos.
Ayon naman kay Nelson, ama ng biktima, bandang 10:00 ng gabi, nagpaalam sa kanya ang biktima na pupunta sa kaibigan sa Navotas Fish Port.
Aniya, mabait ang biktima at walang bisyo at tumutulong sa paghahanap buhay.
Tanging pitong basyo ng bala ang narekober sa crime scene. (Orly L. Barcala)