Umaasa ang Malacañang ng masusing imbestigasyon sa mga transaksiyon sa bangko na may kinalaman sa perang narekober sa inabandonang machine gun post ng Maute group nang isagawa ang clearing operation malapit sa Mapandi Bridge.

Kinumpirma ni Presidential spokesman Ernesto Abella na pakikilusin ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) upang imbestigahan ang suspected terror funds na narekober ng military.

“I’m sure that will be part of the progression of the investigation,” sagot ni Abella sa news conference sa Palasyo, nang tanungin tungkol sa utos ng pamahalaan sa AMLC para alamin ang pinanggalingan ng pondo. “I suppose that they can also ascertain the particular banks,” dagdag niya.

Sinabi ni Abella na nalaman sa records na ang pera ay “slowly accumulated” sa loob ng dalawang taon.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

“I did inquire and apparently the money has been compiled over from the time of… within 2014 and 2016. Based on the records I think, it has been, it has been slowly accumulated over the past two years,” Abella said.

Narekober ng military ang P52.2 milyong cash at P27 milyong tseke mula sa Maute extremists na hindi pa rin nakakaalis sa Marawi City.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Philippine Marines matapos marekober ang limpak-limpak na salapi.

Pinaiimbestigahan din ni AFP chief of staff General Eduardo Año kung talagang mula ito sa Maute group o sa ilang lehitimong negosyante na nakatira sa lugar.

Sinabi ni Abella na nakaligpit na ang pera at ibinigay sa pangangalaga ng Task Force Marawi.

Sinabi rin ni Abella na pinabubulaanan ng pagkakakuha sa pera ang bintang ng ilang grupo na nagnanakaw ang mga sundalo.

Ipinakita ng mga miyembro ng Philippine Marines ang kanilang katapatan sa serbisyo nang hindi sila masilaw sa narekober na kabuuang P79 milyong cash at tseke.

Ayon kay Senator Panfilo Lacson, kahit gaano kapagod ang ating mga sundalo ay hindi nila ginalaw ang P52 Million cash at P20 milyong tseke.

“Either way, I take my hat off to our soldiers. No matter how battle-weary they are and considering the risk of life they’re going through, they were not tempted with the prospect of a comfortable life for themselves and their families. Instead, and stuck to their honor and integrity as professional members of the AFP,” ani Lacson.

(Genalyn Kabiling, Fer Taboy at Leonel Abasola)