Posibleng ipasara ang Resort World Manila (RWM) sa oras na mapatunayan na lumabag ito sa occupational safety and health standards (OSHS), ayon sa Department of Labor and Employment (DoLE).

Sa press conference, sinabi ni Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III na iniimbestigahan na nila ang RWM sa posibleng kapabayaan sa OSHS.

“If it will be proven that it has defects and negligence (on its OSHS)...we could order the closure,” ani Bello.

Nang tanungin kung magsasampa ng kaso ang DoLE laban sa hotel and casino, ipinaliwanag ni Bello na ito ay hindi na nila sakop.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“It will be up to the relatives of the victims to file the necessary charges against to RWM. Not DOLE,” sabi ni Bello.

Samantala, ikinukonsidera ng Department of Justice (DoJ) na isama sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang “fake news” kaugnay ng malagim na insidente sa hotel and casino, na ipinakalat ng netizens.

Matatandaang noong Biyernes, kumalat sa social media na pakana umano ng teroristang grupong Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ang pag-atake.

Samantala, nagtayo na ng help desks ang Social Security System (SSS) sa dalawang punerarya kung saan nakalagak ang ilan sa mga bangkay ng biktima ng casino attack.

Ayon sa SSS, ito ay binuo upang hindi na mahirapan pa ang mga kaanak ng mga biktima sa paglakad ng kani-kanilang dokumento para sa SSS claims. (SAMUEL MEDENILLA, BETH CAMIA at ROMMEL TABBAD)