Patay ang isang rider matapos salpukin ng rumaragasang dump truck, habang himala namang nakaligtas ang angkas niya sa Valenzuela City, nitong Biyernes ng tanghali.
Dead on the spot si Mohaledem Esmael, 18, ng Baseco Compound, Port Area, Manila dahil sa natamong pinsala sa ulo at katawan.
Samantala, gasgas lang sa braso ang tinamo ng back rider na si Almujenar Mohammed, 14, taga-7th Avenue, Caloocan City.
Kusang-loob namang sumuko ang driver ng dump truck na si Chris Anota, 42, biyudo, ng Barangay Ugong, Valenzuela City.
Sa report ni SPO2 Chandu M. Nambio, ng Vehicle Traffic Investigation Unit (VTIU), bandang 12:07 ng tanghali at binabaybay ng mga biktima ang Lazaro Street sa Bgy. Dalandanan, Valenzuela, sakay sa SYM motorcycle na walang plaka.
Pagliko sa kaliwa, nahagip ang motorsiklo ng Mitsubishi dump truck (RLG-513) na minamaneho ni Anota, at tumilapon sina Esmael at Mohammed.
Reckless imprudence resulting to homicide at damage to property ang kinakaharap na mga kaso ni Anota.
(Orly L. Barcala)