PATUTUNAYAN nina McCoy de Leon at Elisse Joson o McLisse na kaya rin nilang magpakilig sa pamamagitan ng musika sa kanilang kauna-unahang single na If We Fall In Love na ire-release ng Star Music.
Parehong ikinatuwa ng Pinoy Big Brother Lucky Season 7 alumni ang panibago nilang milestone, sa pamamagitan ng unang kantang ini-record nila nang magkasama.
“Kabado kami and excited na i-share sa inyo. Na-excite po kami kasi isa na naman po itong first time sa’min as a love team,” pahayag ni Elisse.
“Pinaghandaan talaga, sineryoso talaga namin,” sabi naman ni McCoy. “Paulit-ulit ko po pinakinggan ‘yung kanta, hanggang sa napapanaginipan ko na.”
Ikinuwento naman ng producer na si Rox Santos na hindi siya nahirapang makipagtrabaho sa dalawa, lalo pa’t bagay na bagay ang kanta sa kanila. Nabanggit din niya na may posibilidad na magkaroon ng album ang McLisse.
“Napagdesisyunan namin na If We Fall In Love kasi alam naman natin na sobrang kilig love team sila, ‘tapos ‘yung journey nila talagang inaabangan every now and then,” ang sabi ni Rox. “Bakit hindi tayo mag-come up ng song na sobrang kikiligin ‘yung fans tapos talagang magre-reflect ng totoong nangyayari sa kanila?”
Dagdag ni Elisse, “Nung nakita ko po ‘yung lyrics, sabi ko bagay. Parang ang hirap sabihin na bagay, pero ‘yung na-feel ko po parang sakto sa’min.”
Ramdam naman ni McCoy ang kanta, at ipinahayag na kuwento ng status nila ni Elisse ang kanta nila.
“May tanong pa rin sa mga nangyayari sa amin. Kumbaga, hindi pa namin alam kung anong meron din kaya sakto rin ‘yung kanta,” sabi ni McCoy.