ILOILO CITY – Hinimok ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na itigil na ang pagpapakalat ng mga maling mensahe na nagsasabing nasa Western Visayas na ang mga terorista ng Maute Group.

“There is no truth to that,” sabi ni Supt. Gilbert Gorero, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-6.

Simula nang salakayin ng Maute ang Marawi City sa Lanao del Sur nitong Mayo 23 ay kumalat na ang maraming text message at social media post tungkol sa paglipat umano ng mga terorista sa rehiyon.

Nakasaad sa pekeng mensahe na isang miyembro ng Maute ang namataan sa isang shopping mall, bagamat hindi naman tinukoy ang partikular na lokasyon.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Ang nasabing shopping mall ay may mga sangay sa apat na lalawigan sa Panay Island—sa Aklan, Antique, Capiz, at Iloilo.

Nilinaw din ni Gorero na pawang masunurin sa batas ang maraming Muslim sa Western Visayas, payapang nagnenegosyo nang legal at imposibleng masangkot sa mga gawing terorista.

Dagdag pa ni Gorero, hiningan pa ni PRO-6 director Chief Supt. Cesar Hawthorne Binag ng suporta ang lokal na komunidad ng mga Muslim sa rehiyon para sa intelligence gathering. (Tara Yap)