Tumataginting na P6.7 bilyon halaga ng shabu ang kabuuang nasamsam ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs (BoC), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Bureau of Investigation (NBI) at Valenzuela Police, sa dalawang warehouse sa hiwalay na barangay sa Valenzuela City kamakalawa.

Bandang 4:00 ng hapon, unang sinalakay ng awtoridad ang warehouse, na sinasabing pag-aari ni Milagros Pihon, na matatagpuan sa Aster Street, Barangay Paso De Blas.

Sa warehouse na ito nakumpiska ang P1.7 bilyon halaga ng shabu na nakasilid sa plastic at inilagay sa “steel roller.”

Pagsapit ng 6:00 ng gabi, sinalakay ang isa pang warehouse, na umano’y pag-aari ni Fidel Dee, sa F. Bautista, Bgy. Ugong.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Aabot naman sa P5 bilyon halaga ng shabu, isiniksik din sa steel roller, ang nakumpiska rito ng awtoridad.

Base sa report, galing sa China ang mga steel roller at mismong Customs ng naturang bansa ang nag-tip kay BoC Commissioner Nicanor Faeldon na may mga shabu na ibinagsak sa pier.

Inantabayanan ng awtoridad kung saan dadalhin ang mga kontrabado at nang i-deliver sa mga warehouse sa Valenzuela, agad nila itong sinalakay.

Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon kung may kinalaman ang mga may-ari ng warehouse sa mga nakumpiskang shabu at kung sino ang nasa likod nito. (May ulat ni Jun Fabon) (Orly l. Barcala)