MONCADA, Tarlac - Isang foreman painter ang nasa likod ngayon ng malamig na rehas matapos maaktuhang tumatangay ng apat na tig-16 na litro ng pintura mula sa ginagawang supermarket sa Barangay Rizal, Moncada, Tarlac, nitong Biyernes ng hapon.
Sa ulat kay Chief Insp. Palmyra Domingo Guardaya, officer-in-charge ng Moncada Police, dinakip si Danilo Tonelada, 57, may asawa, ng Bgy. Sta. Maria, Tarlac City, habang pinaghahanap pa ng pulisya ang kasamahan niyang si Rico Tonelada, nasa hustong gulang.
Batay sa imbestigasyon ni PO2 Rogelio Palad, Jr., dakong 2:00 ng hapon at naglilibot si Cheng Long Huang, 43, contractor sa ginagawang Win-Fair Supermarket sa Bgy. Rizal, nang maaktuhan niya si Rico na nagbababa ng dalawang lata ng tig-16 na litrong flat latex paint gamit ang lubid, habang narekober naman umano mula kay Danilo ang apat na lata ng kaparehong pintura na aabot sa mahigit P8,000.
Nabatid din sa inventory ni Nestor Santos Uy, co-contractor ng Win-Fair Supermarket Corp., na nawawala ang 133 tig-16 na litrong lata ng pintura na aabot sa mahigit P266,000 ang kabuuang halaga. (Leandro Alborote)