KUMUBRA ng impresibong panalo ang Air Force para manatiling nasa tuktok ng team standings sa Club at Open men’s divisions nitong Miyerkules sa Cebuana Lhuillier-Asaphil Summer Grand Slam National Open Fast Pitch softball tournament sa Cabuyao, Laguna.
Ginapi ng Airmen ang San Ildefonso Bulacan, 5-2, para sa ikatlong sunod na panalo sa Club division habang binokya ang Jk.com Zamboanga, 3-0, para manatilibng malinis ang kampanya sa Open class ng torneo na nilahikan ng 46 koponan.
Binokya ng San Rafael, Bulacan ang Entom Tigers, 7-0, para makasosyo ng Air Force sa liderato, habang pinabagsak ng RTU ang Cabuyao, 10-3.
Sa women’s play, nakopo ng Adamson Lady Falcons ang ikaapat na sunod na panalo nang daigin ang Tanza, Cavite para makisosyo sa liderato sa University of the East Lady Warriors at Philippine Youth team sa torneo na suportado ng Cebuana Lhuillier at Amateur Softball Association of the Philippines.
Iginupo ng Philippine Youth ang Makati, 7-2, ngunit, nakabawi ang huli kontra Central Luzon State University, 5-1.
Umiskor naman ang San Miguel, Bulacan sa Baguio, 5-1; at humataw ang Polytechnic University of the Philippines sa De La Salle-Zobel, 12-0; tinambakan ng Rizal Technological University ang Team Manila, 21-3.
Kumana rin ang Manila Team I laban sa Tanza, Cavite, 8-4, habang naungusan ng National U ang Cabuyao, 4-3.
“At this point, it’s hard to tell which team will take home the championship title so I just wish everyone the best of luck and may they all be able to show all their skills and play each game to the best of their abilities,” pahayag ni Asaphil at Cebuana Lhuillier president Jean Henri Lhuillier.