Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang batas militar na ipatutupad niya sa Mindanao ay hindi naiiba sa ipinairal ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa buong bansa mahigit 40 taon na ang nakalipas.

Ito ay makaraang ideklara ni Duterte ang martial law sa buong Mindanao sa loob ng 60-araw, pasado 10:00 ng gabi nitong Martes, kaugnay ng bakbakan ng militar at ng teroristang grupo ng Maute.

Nang paalis na sa Moscow, Russia, pinawi ni Duterte ang pangamba ng publiko at sinabing mareresolba ang sitwasyon sa pagbabalik niya sa bansa.

“Pero ang martial law is martial law, ha? So, kayong mga kababayan ko who have experienced martial law, it would not be any different from what President Marcos did,” aniya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“I’d be harsh. I have to do it to preserve the Republic of the Philippines and the Filipino people,” paliwanag pa ng Pangulo.

Gayunman, sa kanyang pagbabalik-bansa kahapon, inihayag ng Pangulo na pinag-iisipan niyang magdeklara ng batas militar sa Visayas o sa buong bansa kung aabot pa sa labas ng Mindanao ang kaguluhan at terorismo.

Aniya, nag-utos siya ng shoot-to-kill sa mga terorista at ng mga pagdakip at paghahalughog kahit walang warrant sa mga lugar na saklaw ng batas militar. Magpapatupad din, aniya, ng curfew.

“If I think the ISIS has already taken foothold also in Luzon and terrorism is not really far behind, I might declare martial law throughout the country to protect the people,” ani Duterte.

Kaugnay nito, inatasan ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang lahat ng korte sa Mindanao na manatiling bukas. (Argyll Cyrus Geducos, Genalyn Kabiling, at Beth Camia)