Aabot sa 3.5 kilo ng hinihinalang shabu, na nagkakahalaga ng P18 milyon, ang nadiskubre sa abandonadong kotse sa parking area ng isang mall sa Taguig City, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat na ipinarating kay Southern Police District (SPD) Director Tomas Apolinario, Jr., dakong 12:10 ng madaling araw natagpuan ang sinasabing kilo-kilong shabu sa loob ng Mistsubishi Lancer (UAP-625) na nakaparada sa Market Market Shopping Mall, sa Bonifacio Global City (BGC).
Unang ikinasa ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police-Drug Enforcement Unit, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Police Community Precinct (PCP)-Station 7 ng Taguig City Police, ang anti-illegal drugs operation at minanmanan ang nasabing kotse.
Ngunit makalipas ang halos 12 oras ay hindi binalikan ng may-ari ang kotse dahilan upang humingi ng tulong ang awtoridad sa K-9 drug sniffing dog.
Makalipas ang ilang segundo ay umupo ang aso sa harap ng compartment ng kotse, tanda na may kakaibang laman ito.
Nagtulung-tulong ang mga pulis sa pagbubukas ng compartment at tuluyang nadiskubre ang apat na plastic na naglalaman ng umano’y shabu na nakasilid sa maliliit na kahon.
Nakikipag-ugnayan na ang awtoridad sa Land Transportation Office (LTO) upang malaman ang pagkakakilanlan ng may-ari ng kotse.
Sinusuri na rin ang kuha ng closed-circuit television camera sa lugar. (BELLA GAMOTEA)