Itinataguyod ni President Rodrigo Roa Rodrigo (PRRD) ang pag-anib ng Mongolia at Turkey sa 10-miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Si PRRD ang kasalukuyang puno ng ASEAN. Ayon sa Pangulo, nagpakita ng interes ang dalawang bansa na maging kasapi ng ASEAN bloc nang hiwalay na makausap sina Mongolia Prime Minister Jargaltulgyn Erdenebat at Turkey Pres. Tayyip Erdogan sa ginanap na New Silk Conference ng 30 bansa sa Beijing.

Parang lumilitaw ngayon na si Mano Digong ay hindi lang pangulo ng Pilipinas kundi nagiging international leader pa.

“By the way, I had a talk with Pres. Erdogan and Prime Minister Erdenebat of Mongolia. Gusto nila na magsali sa ASEAN,” ayon sa Tagalog-Bisaya ni Pres. Rody.

Dahil siya ang chairman ngayon ng ASEAN, nais nilang tangkilikin sila ni Mano Digong sa pag-anib sa ASEAN. Gayunman, parang kontra rito si Aung San Suu Kyi na siyang state counselor ng Burma (Myanmar). Tinanong daw siya ni Suu Kyi:

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

“Have you considered the physical-- the geography whether they are part of the Asean or not?”

Ang tugon daw niya sa democracy icon ng Myanmar: “They are. I would say that they are.” Sinabi ng Pangulo na may ambivalent view kung ang Turkey ay talagang bahagi ng Asia o isang tulay lang sa pagitan ng Asia at Yuropa (Europe).

Ang Mongolia naman ay nasa East Asia, samantalang ang bansa ni Erdogan ay kilala bilang isang “transcontinental country that lies both in Asia and Europe.”

Samakatuwid, kapag ang Mongolia at Turkey ay tinanggap na mga kasapi ng 10-member ASEAN, magiging 12 na ang miyembro ng bloke. Puwede na sigurong maglakbay doon ang mga Pinoy nang walang visa. Ang ASEAN na itinatag noong 1967 ay binubuo ng Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Pilipinas, Singapore, Thailand at Vietnam.

Bukas si Pangulong Duterte sa magkasanib na eksplorasyon ng Pilipinas, China at Vietnam sa resources o yaman ng West Philippine Sea (South China Sea). Ito ang pahayag ni PRRD noong Martes na salungat sa sinabi ni Foreign Secretary-designate Alan Peter Cayetano na ang joint exploration ay hindi siyang direksiyon para sa Pilipinas para sa resolusyon o pagkalutas ng iringan sa strategic waterway.

Wala rin daw plano si PDu30 na i-pressure ang China tungkol sa paborableng desisyon ng international tribunal sa Pilipinas, at ang pasiyang baseless o walang batayan ang pag-angkin ng China sa halos kabuuan ng WPS-SCS. “Kung may makukuha tayo sa lugar na iyon nang walang gulo, bakit hindi (tungkol sa joint exploration)?”

Samantala, duda si Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na ang joint exploration at development ng ‘Pinas sa China sa resources sa WPS, ay magkakatotoo. Tiyak daw na igigiit ng China na kailangan munang kilalanin ang sovereignty ng China sa lugar. “Joint development on commercial terms, yes. But on sovereignty issue, that’s ours,” sabi ni Carpio.

Hindi papayag ang Ombudsman na maging state witness si umano’y Pork Barrel Scam Janet Lim-Napoles (JLN). Noong Martes, sinabi ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na haharangin ng kanyang tanggapan ang plano ng Duterte administration na gawing testigo ang Reyna. Ayon sa kanya, ang kanyang opisina ang may “last say” sa prosekusyon ng mga kaso sa pork barrel scam, at hindi nakatali sa findings ng Dept. of Justice ni Sec. Vitaliano Aguirre II. Abangan ang sagupaan ng Ombudsman at DoJ tungkol kay Napoles! (Bert de Guzman)