CAMP BANCASI, Butuan City – Tatlong miyembro ng New People’s Army (NPA) ang napaulat na napatay habang limang iba pa ang malubhang nasugatan nang magkasagupa ang militar at mga rebelde sa kabundukan ng Barangay Licoan sa Sumilao, Bukidnon, iniulat ng militar kahapon.
Ayon sa report, pinakilos na ang mga tropa ng 1st Special Forces Battallion upang halughugin ang Bgy. Licoan sa posibilidad na makakukuha pa ng karagdagang bangkay ng mga rebeldeng napatay sa bakbakan.
Samantala, dinukot naman umano ng NPA ang isang kasapi ng Civilian Active Auxiliary (CAA) nitong Miyerkules sa Bgy. Matho sa Cortes, Surigao del Sur, ayon sa Philippine Army.
Kinilala ni Capt. Al Anthony Pueblas, tagapagsalita ng 36th Infantry Battallion (36th IB), ang dinukot na miyembro ng CAA na si Jeremias Estrada, nakatalaga sa Matho Patrol Base sa Cortes.
Ayon kay Capt. Pueblas, pinasok ng hindi natukoy na bilang ng mga rebelde ang bahay ni Estrada bandang 7:00 ng umaga nitong Miyerkules, at iginapos siya sa harap ng sindak niyang pamilya sa Purok Lanzones, Bgy. San Agustin Norte sa Tandag City, Surigao del Sur, at tinangay.
Habang isinusulat ang balitang ito ay nagsasagawa pa ng manhunt operation at imbestigasyon ang Tandag City Police, Surigao del Sur Police Provincial Office, at 36th IB upang mabawi si Estrada, ayon kay Capt. Pueblas.
Miyerkules ng hapon naman nang pasabugan ng NPA ng improvised explosive device (IED) ang mga tropa ng 202nd Brigade ng 2nd Division sa Bgy. San Jose, Luisiana sa Laguna, na ikinasugat ng apat na sundalo at tatlong sibilyan.
Ayon kay Col. Arnulfo Burgos, commander ng 202nd Brigade, nangyari ang pagsabog sa hangganan ng mga barangay ng San Antonio at San Jose sa Luisiana, bandang 3:00 ng hapon, habang lulan ang mga sundalo sa KM450 at V-150 armored vehicle.
Napinsala rin ng pagsabog ang dalawang sasakyan ng sibilyan, isang SUV at isang delivery van.
(MIKE U. CRISMUNDO at FRANCIS T. WAKEFIELD)