Dalawang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang napatay sa sagupaan nitong Miyerkules sa Barangay Sandah sa Patikul, habang dalawa pang bandido ang sumuko kahapon sa militar sa Talipao, parehong sa Sulu.

Sa kabuuan 149 na miyembro na ng Abu Sayyaf ang na-neutralize sa tuluy-tuloy na opensiba ng militar laban sa grupo sa Basilan, Tawi-Tawi at Sulu ngayong taon.

Nasa 81 ang napatay, 50 ang sumuko, habang 18 ang inaresto at 70 baril ang naisuko o nasamsam.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Sa huling bakbakan bandang 7:00 ng umaga nitong Miyerkules, tumagal ng 15 minuto ang labanan ng 10th Infantry Battalion, sa ilalim ng Joint Task Force (JTF) Sulu, sa may 15 bandido sa Bgy. Sandah, na ikinamatay ng dalawang hindi pa nakikilalang miyembro ng ASG, habang tatlong M16 rifle naman ang nakumpiska, ayon kay Brigadier Gen. Cirilito Sobejana, commander ng JTF-Sulu.

Bandang 7:45 ng gabi naman nitong Martes nang sumuko sa 2nd Special Forces Battalion ang mga bandidong sina Musa Jamil Alsid, 19; at Mohammad Waddang Udding, 20, kapwa taga-Bgy. Pitogo, Caluang, Sulu.

Isinuko rin ng dalawa kay Lt. Col.Gaspar Panopio, commander ng 2nd Special Forces Battalion, ang dalawang M16 rifle, ayon pa kay Sobejana. (Francis Wakefield at Fer Taboy)