Sinabi ni Pangulong Duterte kahapon na maaaring ituloy ni Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya sa International Criminal Court (ICC) dahil pinahihintulutan ito ng demokrasya sa ating bansa.

Ito ang reaksiyon ng Pangulo sa pahayag ni Alejano na dudulog ito sa ICC matapos ibasura ng House committee on justice ang kanyang impeachment complaint laban sa Presidente “for being insufficient in substance”.

“He can go ahead. He’s free to do it. This is a democracy,” sabi ni Duterte sa kanyang arrival speech sa Davao City madaling araw kahapon.

Kararating lamang ni Duterte mula sa kanyang six-day official visits sa Cambodia para sa World Economic Forum noong nakaraang linggo, sa One Belt One Road forum sa China, at sa working visit sa Hong Kong.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nagsampa si Alejano ng impeachment raps laban kay Duterte dahil sa alegasyon sa pagkakasangkot sa extrajudicial killings noong ang Pangulo ay mayor pa ng Davao City at dahil sa umano’y hindi nito pagdepensa sa karapatan ng bansa sa karagatang nasasakupan.

Ayon kay Duterte, paulit-ulit siyang inimbestigahan ng nakakulong ngayong si Senator Leila de Lima noong ito pa ang pinuno ng Commission on Human Rights at nang maging Justice Secretary.

“I was (also) investigated again by the Senate, and I was investigated again by the House (of Representatives), ano pa ba’ng gusto nila?” sabi niya.

“Totoo ‘yang may namatay. Ano ba namang giyera sa droga na walang namatay? But not in the character and kind that I was dished out. Kilala man ninyo ako,” patuloy niya.

Ayon sa Malacañang, ang impeachment complaints na isinampa laban kay Duterte ay pawang gawa-gawa lamang na ang layunin ay upang pahinain ang halal na pamahalaan.

Ipinagkibit-balikat lamang ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang balak ni Alejano na pagsasampa ng kaso laban kay Duterte sa ICC.

“Tell him to plant trees in his province to protect our environment instead of creating a forest of lies against the President,” sabi niya. (Argyll Cyrus B. Geducos)