Tiniyak kahapon ng pamunuan ng Metro Rail Transit (MRT)-3 na hindi na magkakaroon ng pila ng mga pasahero sa katapusan ng taong ito.

Sa pagdinig ng Senate committee on public services kahapon, sinabi ni Engineer Leo Manalo, MRT-3 director for operations, na magkakaroon na kasi ng dagdag na 23 tren na puwedeng sakyan ng kalahating milyong pasahero.

Sa pagtatanong ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, nilinaw ni Manalo na ang lahat ng ito ay mangyayari lamang kung makakarating ang mga tren at kung walang bulilyaso.

Aniya, sa kasalukuyan kapag peak hours ay mayroong pila, pero kapag hindi naman ora de peligro ay wala namang pila.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“By end of the year po, we’re projecting… actually ngayon po, sir, may pila sa peak hours but during off peak, wala na pong pila. But end of the year, sir, sigurado pong mawawala na ‘yung pila,” ani Manalo.

Sinabi naman ni Senator Grace Poe na kung ngayon ay may 500,000 capacity ang MRT-3, sa 2019 ay magkakaroon ito ng 800,000 pasahero araw-araw.

Hindi naman masagot ni Manalo kung kailan talaga mawawala ang problema sa napakahabang pila, na karaniwan nang umaabot ilang metro sa labas ng terminal ng MRT. (Leonel M. Abasola)