NINAKAW sa Central England ang rare Harry Potter prequel na isinulat ng author na si J.K. Rowling sa isang postcard, pahayag ng pulisya nitong Biyernes, na sinabayan ng panawagan ng tulong sa fans ng wizard sa buong mundo.
Ang 800-word story, nangyari bago isinilang si Harry Potter at ipinagbili sa halagang 25,000 pounds ($32,152) sa isang charity auction noong 2008, ay ninakaw sa isang bahay sa Birmingham noong Abril 13 -24.
“Please don’t buy this if you’re offered it,” saad ni Rowling sa kanyang post sa Twitter. “Originally auctioned for @englishpen, the owner supported writers’ freedoms by bidding for it.”
Ang kinita sa auction ay ipinagkaloob sa English PEN, isang samahan na nagsusulong ng freedom of expression, at sa Dyslexia Action.
“The only people who will buy this unique piece are true Harry Potter fans. We are appealing to anyone who sees, or is offered this item for sale, to contact police,” sabi ni Constable Paul Jauncey ng West Midlands Police.
Isinulat sa magkabilang parte ng A5 postcard, ang untitled prequel ay nagtatampok sa karakter na si Sirius Black at sa ama ni Harry na si James. Nagsimula ito sa pang-iinis ng binatilyong sina Sirius at James na nasukol ng dalawang pulis pagkatapos ng matagal na habulan sa motorsiklo.
Nakipag-usap sa mga pulis at tumakas ang dalawang teenager sa pamamagitan ng mahika. Natapos ang kuwento sa mga salitang “From the prequel I am not working on -- but that was fun!”
Mahigit 450 milyong kopya ng pitong orihinal na libro ng Harry Potter ang naibenta sa buong mundo sa 79 na wika. Ang movie franchise ay kumita ng mahigit $7 billion sa buong mundo. (Reuters)