SURIGAO CITY – Sinilaban ng apat na hindi nakilalang lalaki na nakatakip ang mukha ang bahay ng isang forest ranger sa Lianga, Surigao del Sur kahapon ng madaling araw, at malaki ang hinala ng mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ginantihan ang kanilang tauhan kaugnay ng mga nakumpiska nitong ilegal na troso kamakailan.

Kaagad namang nagising ang sampung magkakamag-anak na nakatira sa bahay ni Patrick M. Angelia, regular forest ranger sa enforcement section ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Lianga, matapos malamang nasusunog ito, bandang 2:00 ng umaga kahapon.

“‘Yung lahat ng nakatira sa bahay, kasama ang mga magulang ni Angelia, ay ligtas na nakatakas sa sunog matapos silang magising sa sigawan at komosyon ng mga kapitbahay,” sabi ni Herzon F. Gallego, tagapagsalita ng DENR-Region 13.

Ipinag-utos na ni Chief Supt. Rolando B. Felix, director ng Police Regional Office (PRO)-13, sa Surigao del Sur Police Provincial Office at Lianga Municipal Police na ayudahan ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa isinasagawa nitong imbestigasyon para matukoy kaagad ang mga salarin.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Personal namang binisita kahapon ni DENR-13 Director Dr. Charlie E. Fabre ang natupok na bahay ni Angelia upang magkaloob ng ayudang pinansiyal dito.

Sa isang pulong, sinabi ng mga opisyal ng Lianga CENRO kay Fabre na malaki ang posibilidad na paghihiganti ang motibo sa insidente dahil na rin sa matinding kampanya ng kagawaran laban sa illegal logging.

“Gustong makaganti sa DENR ng mga timber poachers na ito dahil nakumpiska namin ang mga nakaw nilang troso,” sinabi ni Fabre sa isang panayam. (Mike U. Crismundo)