BUMUO ng samahan ang Alliance for Climate Protection-Climate Reality Project (ACP-CRP), isang global non-profit organization on climate protection and leadership na itinatag noong 2006 ni dating US Vice President Al Gore, at ito ay ang Allen Salas Quimpo Collective Climate Leadership Memorial Awards (ASQCLMA) na hihikayat na umaksiyon laban sa climate change.
Kasalukuyang kumikilos ang ACP-CRP sa mahigit 30 bansa at sinanay at hinasa ang mahigit 7,800 indibiduwal na kumakatawan sa 126 na bansa bilang volunteer Climate Change leaders. Si Al Gore ang tumatayong Board chairman habang si Ken Berlin ang president.
Ang yumaong abogado at guro na si Allen Salas Quimpo, sa kanya ipinangalan ang samahan, ay napakasipag na civic at humanitarian leader. Siya ang nagtatag ng kilalang-kilalang 250-hectare Bakhawan (mangrove) forest sa Kalibo, Aklan, na kilala ngayon sa tawag na Allen Salas Quimpo Eco-Park.
Sumailalim si Quimpo sa training sa ilalim ni Al Gore. Naglingkod siya bilang congressman ng Aklan sa loob ng tatlong termino, at bilang alkalde ng Kalibo. Siya ang president ng Northwestern Visayas Colleges at active advocate ng ASEAN Economic Community bago siya pumanaw sa edad na 70.
Sa kanyang panahon sa Kongreso, pinamunuan ni Quimpo ang House Committee on Education at sinimulan ang mahahalagang hakbang na makabubuti sa Department of Education. Siya rin ang bumuo ng mga batas na ipinatupad ng Commission of Higher Education (CHED) at ang pagpapatayo ng Aklan State University (ASU).
Ang naunang Allen Salas Quimpo Collective Climate Leadership Memorial Awards rites, sa pangunguna ni Senator Loren Legarda sa Recto at Laurel Rooms ng Philippine Senate, ay dinaluhan ni Matt Bomms, ACP-CRP International Director, at iba pang dignitaries, kabilang si Senador Sonny Alvarez.
Isa si Miguel R. Magalang ng Marinduque sa mga tumanggap ng Climate Leadership awards para sa kanyang pagsisikap na mahinto ang mining operations sa Marinduque.
Sa tulong ng nangungunang climate change adaptation... advocates sa bansa gaya nina Albay 2nd District Rep. Joey Salceda at dating Senador Alvarez, layon ng Allen Salas Quimpo Collective Climate Leadership Memorial Awards na pagtuunan ang education at skills development initiatives na may kaugnayan sa climate change.
Umaasa na ang Allen Salas Quimpo’s award-giving body, sa pakikipagtulungan ng international organization ni Al Gore, ay magkakaloob ng due recognitions sa climate change adaptation initiatives at makahikayat ng mas maraming volunteer at advocate. (Johnny Dayang)