HINDI nagawang wasakin ng R&B singer na si Mary J. Blige at ng British alternative band na Gorillaz ang pamamayagpag ni Kendrick Lamar sa weekly U.S. Billboard 200 album chart, at nananatili sa top spot ang album ng rapper na Damn. sa ikatlong magkakasunod na linggo.
Ang Damn. ni Lamar ay bumenta ng karagdagang 173,000 units na kinabibilangan ng 157 milyong streams sa linggong nagtapos nitong Mayo 4, ayon sa figures mula sa Nielsen SoundScan.
Ang bagong album ng Gorillaz na Humanz, isang virtual animated band co-created ng British alt-rocker na si Damon Albarn, ay nag-debut sa No. 2 sa naibentang 140,000 units, at ang Strength of a Woman naman ni Blige ay umakyat sa No. 3 sa naibentang 78,000 units.
Tina-tally ng Billboard 200 album chart ang units mula sa album sales, song sales (10 songs equal one album) at streaming activity (1,500 streams equal one album).
Ang ibang pang bagong entries sa top 10 ng chart ngayong linggo ay kinabibilangan ng compilation ng Epic Record ng hit singles na Epic AF V2 (No. 6) at ang God’s Problem Child ng singer-songwriter na si Willie Nelson (No. 10).
Sa Digital Songs chart, na sinusukat ang online single sales, nagbukas ang I’m The One ng hiphop producer na si DJ Khaled at ni Justin Bieber sa No. 1 sa naibentang 171,000 kopya. (Reuters)