Napatay ang sinasabing leader ng isang sindikato ng droga sa Northern Mindanao at naaresto ang umano’y dalawang asawa nito sa drug operation ng pinagsanib na puwersa ng militar, pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 13 sa Cagayan de Oro City, Misamis Oriental, iniulat kahapon.
Sa report ng Cagayan de Oro City Police Office (COCPO), napatay si Jabbar Sangcopan, sinasabing leader ng Sangcopan drug syndicate, sa operasyon ng PDEA-13, sa pangunguna ni Regional Director Gilbert Buenafe, kasama ang ilang intelligence officer ng Philippine Army, sa tulong ng COCPO.
Sinalakay sa kanyang safehouse sa Barangay Kauswagan sa bisa ng search warrant, sinabi ni Buenafe na may armadong grupo si Sangcopan na pumapatay sa mga tulak na hindi nakapagbabayad ng inaangkat na droga mula sa sindikato.
Ayon sa PDEA, nanlaban si Sangcopan kaya ito napatay, habang inaresto naman ang asawa niyang si Nasif Asgar Sangcopan, na mayroong arrest warrant, at nakumpiskahan ng 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P500,000.
Naaresto rin ng mga awtoridad ang isa pang asawa ni Sangcopan na si Cindy Shariff Sangcopan sa bayan ng Opol, at nakuhanan ng P800,000 halaga ng shabu at isang sasakyan. (Fer Taboy)