MATIKAS na bumalikwas mula sa malamyang simula ang BaliPure para maitakas ang 17-25, 26-24, 25-23, 25-22 panalo kontra Power Smashers nitong Martes para sa maagang liderato sa Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference sa FilOil Flying V Arena sa San Juan.

Wala man ang mga import bunsod nang kabiguang makakuha ng ITC (International Transfer Certificate), nagningning ang mga locals, sa pangunguna ni Grethcel Soltones para sandigan ang Water Defenders sa ikalawang sunod na panalo.

Nakuha ng BaliPure ang come-from-behind 21-25, 25-19, 25-19, 25-21 panalo kontra Air Force sa opening day nitong Linggo sa torneo na inorganisa ng Sports Vision.

Sa kabila nito, may agam-agam si BaliPure coach Roger Gorayeb sa kondisyon ng kanyang mga player.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

“Masama ang laro. Masuwerte at nakakabawi sa dulo. Hindi pa makontrol ang turnover,” sambit ni Gorayeb.

Nanguna si Jerrili Malabanan sa naiskor na 20 puntos, kabilang ang 12 hits, habang kumana si Soltones ng 15 puntos.

Sa men’s side, ginapi ng Army ang Café Lupe, 21-25, 20-25, 25-14, 25-18, 15-12, para makisosyo sa liderato sa torneo na suportado ng Asics at Mikasa.