BOSTON (AP) — Kung may natitira pang pagdududa, tunay na ang maliit nakapupuwing.
Hataw si Isaiah Thomas, isa sa pinakamaliit sa taas na 5-foot-9 sa NBA, sa naiskor na 53 puntos – ikalawang pinakamataas na puntos sa kasaysayan ng Celtics sa playoff— para sandigan ang Boston kontra Washington Wizards, 129-119, sa overtime sa Game 2 ng kanilang best-of-seven Eastern Conference semifinal nitong Martes (Miyerkules sa Manila).
Nabungian sa maaksiyong Game 1, hindi kinakitaan ng kahinaan si Thomas na kumana ng siyam na puntos sa overtime para ibigay sa Boston ang 2-0 bentahe.
Sa malawak na kasaysayan ng prangkisa, kinapos lamang ng isang puntos si Thomas para lagpasan sa team record ang legend na si John Havlicek. Siya ang ikalimang player sa Boston na nakaiskor ng 50 o higit pa sa postseason game.
Nanguna si John Wall sa Wizards sa naiskor na 40 puntos at 13 assist. Gaganapin ang Game 3 at 4 sa Washington sa Huwebes (Biyernes sa Manila) at Linggo (Lunes sa Manila).
WARRIORS 106, JAZZ 94
Sa Oakland, California, hindi kinakitaan ng kalawang ang Warriors mula sa mahabang pahinga laban sa Utah Jazz sa Game 1 ng kanilang West semifinal.
Nanguna si Stephen Curry sa naiskor na 22 puntos, habang kumana si Draymond Green ng 17 puntos, walong rebound, anim na assist at dalawang block.
Nag-ambag si Kevin Durant ng 17 puntos at tumipa si Zaza Pachulia ng 10 puntos.
Gaganapin ang Game 2 ng best-of-seven series sa Huwebes (Biyernes sa Manila) sa Oracle Arena.