Nina MARY ANN SANTIAGO, ANNA LIZA VILLAS-ALAVAREN, at FRANCIS T. WAKEFIELD

Nananawagan ang Manila Police District (MPD) sa publiko na hangga’t maaari ay umiwas sa mga lugar na pagdarausan at daraanan ng mga delegado sa ASEAN Summit na magsisimula ngayong araw.

Ayon kay MPD Director Police Chief Supt. Joel Coronel, malinaw ang tagubilin ni Mayor Joseph “Erap” Estrada na protektahan ang mga dadalo sa summit at iwasang maabala ang publiko, lalo na sa mga motorista.

“We are asking the public, if possible, please avoid the ASEAN venues in this period so as not to inconvenience them and also not to add to our security considerations at the time,” panawagan ni Coronel.

National

PBBM nagbabala kontra POGO, IGL: ‘Di na kailanman papayagang manalasa ang mga ito!’

Masisilip ang iskedyul ng mga pagpupulong, traffic rerouting at advisory sa www.asean2017.ph o sa official Facebook page na “ASEAN 2017”, ayon kay Coronel.

Hiniling din niya sa publiko na iulat ang mga kahina-hinalang tao, bagay, at aktibidad sa MPD direct line 523-32-01 o sa Text Bato 2286 at sa national emergency hotline 911.

“Report to the police any suspicious persons, movements, belongings or things, we will act on that immediately,” aniya. Ang 30th ASEAN Leaders’ Summit and Related Meetings ay gaganapin simula ngayong araw, Abril 26, hanggang sa Abril 29 sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.

Siyam na lider ng ASEAN ang inaasahang darating. Kabilang sa final list sina Myanmar state counselor Aung San Suu Kyi, Cambodian Prime Minister Hun Sen, Singaporean Prime Minister Lee Hsien Loong, Indonesian President Joko Widodo, Thailand Prime Minister Prayut Chan-o-cha, Malaysian Prime Minister Najib Razak, Brunei Sultan Hassanal Bolkiah, Vietnamese President Tran Dai Quang, at Laos President Bounnhang Vorachith.

NUMBER CODING, TRUCK BAN

Inalis ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang number coding scheme sa Biyernes.

Suspendido ang unified vehicular volume reduction program, o number coding, sa lahat ng mga lungsod at munisipalidad sa Metro Manila maliban sa Makati at Las Piñas sa Abril 28, isang non-working holiday.

Sinabi ni MMDA officer in charge Tim Orbos na babaguhin din nila ang truck ban scheme habang isinasagawa ang ASEAN Summit, at hihilingin sa mga trucker na iwasan ang ilang kalsada sa mga lungsod ng Pasay, Manila at Makati sa araw upang bigyang daan ang mga lider at kalahok sa mga pagpupulong.

Para sa traffic management, magtatalaga ang MMDA ng special “Asean lanes” kung saan ipatutupad ang “stop and go” scheme.

Kabilang sa mga apektadong lugar ang Sen. W. Diokno, Jalandoni, A. De la Rama, Bukaneg, Arnaiz Street, Makati Avenue at Parkway Drive.

Itinalaga ang Cultural Center of the Philippines complex sa Pasay City bilang ASEAN delegates zone kayat isasara ang mga lugar sa paligid nito.

WALANG BANTA

Sinabi ng deputy commander ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Joint Task Force-National Capital Region kahapon na nagpakalat na sila mga tropa sa Metro Manila para sa summit.

“We already conducted send-off ceremonies for the troops that will help in securing the ASEAN Summit,” sabi ni Colonel Vic Tomas sa isang panayam.

Nang tanungin kung mayroon ba silang namo-monitor na anumang banta sa okasyon, sinabi ni Tomas na wala.

“We are very fortunate to say that there is none. There is no threat so far. But we don’t want to be overconfident so what we are doing is continuous intelligence group and target hardening measures,” ani Tomas.

MAGING HUWARAN

May paalala naman ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdaraos ng ASEAN Summit sa bansa.

Hiniling ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity (ECL), sa Pangulong Rodrigo Duterte na maging mabuting huwaran sa pagpapakita ng kagandahan ng Pilipinas at baguhin ang kanyang istilo.

Paalala niya, kailangang itigil na ng Pangulo ang pagmumura at pang-aaway sa mga kaalyadong bansa tulad ng United States at European Union.