gERALD AT kim copy copy

NAGULAT ang entertainment press nang i-announce ng Dreamscape Entertainment na sa umaga bago mag-It’s Showtime mapapanood ang Ikaw Lang Ang Iibigin na pinagbibidahan nina Gerald Anderson at Kim Chiu simula Mayo 1, kapalit ng Langit at Lupa na magtatapos na ngayong linggo.

Inakala kasi ng lahat na sa primetime mapapanood ang Ikaw Lang Ang Iibigin. Kaya agad hiningan ng reaksiyon ang dalawang bida.

“Personally po, para sa akin, basta magkaroon kami ng platform, ng oras para maipakita namin sa tao ‘yung produkto namin. Basta naniniwala po kami sa produkto namin, hindi po importante kung anong oras. Basta ibinigay po namin ang lahat,” katwiran ni Gerald.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“Wala naman po sa oras ‘yun,” sabi naman ni Kim. “Kung gusto nilang panoorin, papanoorin naman nila kaya gusto kong magpasalamat in advance sa suportang ibibigay nila sa tanghali at heto nga, itong comeback namin is different.

Babalik kami sa tanghali sa inyong mga telebisyon kaya sana po suportahan n’yo.”

In fairness, ang morning timeslots ay pinaghaharian naman talaga ng ABS-CBN, katunayan simula pa lang sa Umagang Kayganda ay trending na ang mga programa nila.

Sa naturang timeslot particularly pumutok ang Be Careful With My Heart na inabot ng almost two years sa ere hanggang sa nagkasunud-sunod na ang mga teleseryeng ipinalabas sa kaparehong oras.

Natanong din kung ano ang nadiskubre nina Gerald at Kim sa isa’t isa in terms of work habits pagkaraan ng ilang taon nilang paghihiwalay.

“Actually, hindi sa mas maraming na-discover dahil ganu’n pa rin siya in a good way,” sabi ni Gerald. “Siyempre, ang tagal naming hindi nagsama lalo na sa trabahong three times a week, pero ang nakakatuwa, kahit na anong nangyari sa kanya (Kim) o kahit ano pa ang narating niya, ganu’n pa rin siya. Iba ‘yung energy niya ngayon, siya lang ang may energy na ganu’n, sobra, minsan kailangan kong lumayo kasi, huh, grabe! Siya ‘yung hindi nauubusan pero great, it’s amazing to the cast kasi nakakahawa ‘yung energy niya at iyon ‘yung maganda kasi it’s great to work with people tulad niya na ganu’n ka-passionate sa trabaho niya kahit pagod na, ‘yung determination niya, siguro masasabi ko ngayon lang ako nakakita ng taong walang tulog galing sa shooting dumiretso sa 21K, amazing, amazing talaga!

“Hindi po ako masyadong vocal na tao, pero pagdating sa ganu’n, it’s amazing kasi mahirap po ‘yun, mentally and physically, hirap nu’n,” papuri ni Gerald sa leading lady niya sa Ikaw Lang Ang Iibigin.

Kamakailan nga ay nag-post si Kim sa Instagram na kararating lang niya galing sa shows sa Canada at US para sa 25th anniversary ng Star Magic at sumali kaagad siya sa marathon.

Ipinost ng dalaga ang medalyang nakuha niya mula sa 21K na sinalihang run-for-a-cause.

Caption ni Kim, “Yay, I did it!! My first 21K run! Team no sleep, went straight to MOA from shooting plus jetlag. Signed up before I left for Star Magic tour didn’t know that when I get back ganito pala sched ko!

“Kaya naman as long as you believe in yourself!! But I’m very happy that I’m able to finish the race slowly but surely taking it slowly basta matapos!! #Sub3 #Natgeorun2017 #21kfinisher,”

Bukod sa 21K ay sumali na rin si Kim sa duathlon na 4KM, 25KM at 4KM ang natapos niya.

Iba pa ‘yung 16K run sa PilipinasRun2017 ilang linggo bago sila lumipad ni Xian Lim para sa series of shows sa ibang bansa.

Halos wala namang masabi si Kim sa paghanga sa kanya ng leading man.

“Wala akong masabi. Lalayo na ako sa susunod ‘pag nadyo-joke na ako sa ‘yo. Kasi po ngayon, tahimik na talaga si Gerald, tahimik na siya, quiet siya sa isang sulok. ‘Pag maraming nagsasalita sa paligid niya, pupunta na siya ng kotse, magha-hibernate na po siya ‘pag maingay na kaming lahat. Ito kasi KJ, siguro sign of aging (nagkatawanan ang lahat).

“Iba na ‘yung maturity niya. Kahit nakakatawa ‘yung eksena, lagi niyang sinasabi, ‘huwag n’yo akong guguluhin’ nagdyo-joke naman ako, eh, di sige, ‘wag.”

Saan nga ba nanggaling ang energy ni Kim?

“Siguro kasi ngayon gusto ko lagi akong may pinapatunayan sa sarili ko parang, ‘ay, gawin ko nga ito, kaya ko ba?’

Kasi parang ayokong tumira sa comfort zone ko na ito lang ang kaya ko. Parang gusto ko more pa habang bata ka pa, habang kaya mo pa gawin mo na ‘yung gusto mo, kasi hindi mo na mababalikan ‘yun lahat. Saka ang daming opportunities na dumating, bakit hindi ko i-grab sabay-sabay kasi hindi naman forever na may mga ganitong nangyayari, so bakit hindi mo na lang i-enjoy ‘yung mga nangyayari.”

Sumakto ang nakakahiligang sports ngayon nina Gerald at Kim dahil ito talaga ang papel na ginagampanan nila sa Ikaw Lang Ang Iibigin, kuwento ng dalawang magkababata na nagmahalan pero pinaglayo ng tadhana at muling nagkita dahil sa kanilang hilig sa triathlon.

Sabi pa nga ni Kim nang makatsikahan namin pagkatapos ng Q and A, “Masarap po, self-fullfilment na hindi mo alam na magagawa mo, pero magagawa mo.”

At si Gerald naman ay tumakbo ng 42K.

“Ay, iyon ang pinakamasakit na ginawa ko sa buong buhay ko. Hindi ko ma-explain. Hindi ako nakalakad pagkatapos, hindi ako nakakain, akala ko makakain ako ng marami kasi tumakbo ako ng ganu’n kalayo, wala talaga.

“But ‘yung experience, mga taong nakilala ko habang tumatakbo ako, ‘yung nakikita ko, ‘yung nararamdaman ko, hindi ko ipagpapalit kahit saan.”

At magiging lifestyle na raw nina Gerald at Kim ang pagtakbo kahit matapos na ang teleserye nila.

“Para sa aming lahat, lifestyle na, at sana kayo rin, hindi ganu’n ka-intense, sabi ko nga personal goal ko na makapag-inspire ng mga tao na mag-exercise, magkaroon ng happy and healthy lifestyle,” say ng aktor.

Uulit pa ba si Gerald sa full marathon?

“Kung may chance ulit, pero mas nagpo-focus ako ngayon sa triathlon, meron ulit sa Linggo, Abril 30 sa Subic, excited ako kasi.”

Pinapangarap ba ng Kimerald sumali sa national competition?

“Ako, wala naman, ang ka-compete ko lang, sarili ko, ‘yung abilidad ko para gawin ang isang bagay,” sagot ng dalaga.

“Honestly, mayabang kasi ako,” sagot naman ni Gerald, “gusto kong i-represent ang country natin sa ganu’ng sports.

Kaya nu’ng pumunta ako sa LA Marathon, sobrang living a dream, suot ko pa ‘yung flag ng Pilipinas at ang daming Pinoy na nagro-root para sa akin. Bata pa lang ako, ‘yun na ang pangarap ko. But nakakahiyang sabihin kasi ang daming magagaling na Pilipino na gustong mag-represent ng bansa, siguro kung wala lang akong taping at shooting, susubukan ko, pero mas magagaling ‘yung mga nagre-represent para sa atin.”

Kasama nina Kim at Gerald sa Ikaw Lang Ang Iibigin sina Gina Pareño, Bing Loyzaga, Ayen Munji-Laurel, Michael De Mesa, Daniel Fernando, Dante Rivero, Nicco Manalo, Ivan Carapiet, Andrea Brillantes, at Grae Fernandez mula sa direksiyon nina Dan Villegas at Onat Diaz at sa panulat nina Noreen Capili at Anton Pelon mula sa Dreamscape Entertainment. (Reggee Bonoan)