BAHAGYA lamang na pinagpawisan ang defending champion FEU-NRMF-Gerry's Grill at Philippine Christian University sa paghugot ng panalo sa 2017 MBL Open basketball championship kamakailan sa EAC Sports Center sa Ermita, Manila.

Pinabagsak ng FEU-NRMF ang Emilio Aguinaldo College, 114-77, sa rematch ng kanilang title showdown nang nakalipas na taon upang itala ang ikatlong dikit na panalo.

Samantala, pinulbos ng PCU ang newly-crowned UNTV Season 5 champion Philippine National Police, 85-64, sa labanan ng mga debuting teams sa kumpetisyon na itinataguyod ng Smart Sports, Ironcon Builders, Star Bread, Dickies Underwear at Gerry's Grill.

Pinamunuan ni Raniel Jake Diwa, umiskor ng 25 puntos, ang balanseng atake ng Fairview, Quezon City-based Tamaraws, na namayani mula simula ng laban sa Generals.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nagpasiklab din sina Dexter Zamora, Glenn Gravengard, Erwin Sta. Maria, Jerwin Gaco at import Moustapha Arafat para tiyakin ang one-sided na panalo ng FEU.

Nag-ambag si Zamora ng 17 puntos habang ang Fil-German na si Gravengard ay nag-dagdag ng 14 puntos para sa Tamaraws nina manager Nino Reyes at coach Pido Jarencio.

Nanguna sa Generals si Jethro Mendoza na may 15 puntos.

Sumandal naman ang PCU sa troika nina dating MBL MVP Jon Von Tambeling, Yves Sazon at Michael Ayonayon upang lupigin ang PNP.

Sina Tambeling at Sazon ay umiskor ng tig-18 puntos habang si Ayonayon ay nag-ambag ng 15 para sa Dolphins, nagtatangka ng panibagong titulo sa ilalim nina PCU president Dr. Junifen Gauuan, ISPEAC head Dr. Putli Martha Ijiran at ng father at son tandem nina coach Ato at Elvis Tolentino.

Iskor:

(Unang laro)

FEU-NRMF-Gerry's Grill (114) -- Diwa 25, Zamora 17, Gravengard 14, Sta Maria 13, Gaco 9, Arafat 9, A.Santos 8, Gumabay 7, Asoro 4, C.Santos 4, Crellin 2, Raymundo 2, Tan 0.

EAC (77) -- Mendoza 15, Diego 11, Laminou 10, Altiche 10, Gonzales 8, Aguas 6, Gano 5, Robin 3, Umali 2, Natividad 2, Martin 2, Rosales 2, Tadua 1.

Quarterscores: 24-13, 54-37, 80-61, 114-77.

(Ikalawang laro)

PCU (85) -- Tambeling 18, Sazon 18, Ayonayon 15, Mescallado 12, Pallatao 8, Sumalacay 5, Camaya 2, Bautista 2, Vasquez 2, Galit 2, Catipay 1, Malto 0, Ordonez 0, Manalo 0, Abrigo 0.

PNP (64) -- Omiping 23, Tolentino 9, Ongutan 8, Cabahug 7, Bayabao 5, VeraCruz 4, Sta. Cruz 3, Misola 3, Zules 2, Dia 0, Alejandro 0.

Quarterscores:

19-5, 52-30, 74-44, 85-64