NASA tamang direksiyon ang pakikipagkaibigan ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa China ni Pres. Xi Jinping.
Ang China ay ka-Asyano natin at halos ka-kultura sapagkat libu-libong taon na tayong may ugnayan dito. Nagalit si Mano Digong noon dahil sa plano ni ex-US Pres. Obama na kuwestiyunin ang maramihang pagpatay sa suspected drug pushers at extrajudicial killings. Dahil ito, ipinasiyang higit na mabuting maging kaibigan ang China.
Minura ni PRRD si Obama noon na nagpaka-maginoo sa “foul-mouthed president”. Hindi niya sinagot ito nang pabastos at garapal. Dapat tandaan at unawain ng ating Pangulo na ang pagkakaibigan ng mga bansa ay nakasandig din sa interes na makukuha ng isang bansa sa kinakaibigang bansa. Higit na mahalaga ang interes kaysa pakikipagkaibigan.
Lumitaw ang ganitong senaryo at realidad nang sa pagpunta sa Pag-asa Island nina Defense Sec. Delfin Lorenzana, AFP chief of staff Gen. Eduardo Ano, at mga hepe ng Army, Navy at Airforce, ay warningan ng China ang sinasakyan nilang PAF-C-130 transport aircraft. Sa report, ang C-130 ay nasa ibabaw ng Zamora o Subi Reef para lumapag sa Rancudo airfield nang tumanggap ang piloto ng babala na umalis ito sa naturang area.
Mr. President, iyan ba ang China na kinakaibigan mo? ‘Di ba nila alam na ang eroplano ay nasa ibabaw ng ating hurisdiksiyon sa Pagasa Island, at may utos kang okupahan at magtayo ng mga balangkas (structures) ang AFP doon? ‘Di ba ganyan din ang attitude ng US na kung tawagin natin ay “Big White Brother” na handang tumulong sa atin?
Tama ka PDu30 sa parunggit mo kay Uncle Sam (US) na hindi sana nakapagtayo ng structures ang kinakaibigan mong China kung noon pa ay kumilos ang US forces upang baklasin ang mga structure. Pero, hindi ginawa ito ng US dahil sa pambansang interes nito sapagkat maraming utang sa China at nais ituloy ang pakikipagkalakalan dito.
By the way, pinapayagan ng batas ang “out of court settlements” sa mga kaso ng tax evasion. Suportado ni Manila 1st district Rep. Manuel “Manny” Lopez ang posisyon ni Pres. Rody sa “out of the court settlements” ng mga higanteng kumpanya na may back taxes sa BIR. Ito aniya ay isagawa ng may direktang pabor at para sa pinakamabuting interes ng pamahalaan at mamamayan, lalo na ang rehabilitasyon ng public hospitals sa Tondo.
“Kailangan po itong isagawa ngayon ng maingat, sang-ayon sa batas, pabor sa pamahalaan at mamamayan at higit sa lahat hindi dapat pagsuspetsahang may naganap na ‘secret deal’”, pahayag ni Lopez.
Sinabi ni Lopez na ang tatlong... ospital sa kanyang distrito ay nangangailangan ng tulong-pinansiyal para mapasigla ang serbisyong-medikal sa mahihirap—ang Ospital ng Tundo, Tondo, Medical Center at Gat Andres Bonifacio Medical Center.
Nasisiyahan siya sa pahayag ni Pres. Rody na P1 bilyon ang gagamitin sa rehabilitasyon ng tatlong ospital sa Tundo mula sa P3 bilyon na makukuha sa out of court settlement sa isang kumpanya ng tabako.
Sina PDu30 at De5 (Sen. Leila de Lima) ay kapwa nakasama sa 100 Most Influential People ng Time Magazine. Ang dalawa ay mahigpit na magkalaban sa pulitika. Si Mano Digong na presidente ay malaya samantalang si De Lima ay nakakulong sa bintang na sangkot sa illegal drug trade sa Muntinlupa. (Bert de Guzman)