Inulit ng Malacañang kahapon ang pakikiisa ng Pilipinas sa buong mundo sa paglaban sa climate change.
Muling tiniyak ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella ang paninindigan ng bansa sa kanyang mensahe para sa Earth Day kahapon ng umaga.
“This occasion is a good reminder of the Philippines’ commitment to the global call to fight climate change and uphold climate justice as well as our country’s solidarity to the rest of the world in spreading that while we pursue economic development programs, we continuously aspire for sustainable, climate change-resilient living,” sabi niya.
Ang Earth Day ay taunang ipinagdiriwang tuwing Abril 22 at isinasagawa ang iba’t ibang aktibidad sa buong mundo bilang pagtataguyod sa pangangalaga sa kapaligiran. Ito ay ginugunita na ngayon sa mahigit 193 bansa at ang pagdiriwang ay pinag-uugnay-ugnay ng Earth Day Network.
Noong Earth Day 2016, itinakda ang Paris Agreement na lalagdaan ng United States at ng 120 iba pang bansa.
Ang Paris Agreement ay isang kasunduan sa loob ng United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC).
Layunin nitong labanan ang greenhouse gases emissions mitigation, adaptation at finance simula sa 2020. Sa ngayon, 194 na ang signatories sa treaty.
Para sa Pilipinas, pinirmahan ni Pangulong Duterte ang Paris Agreement on Climate Change Instrument of Accession nitong nakaraang Pebrero sa kabila ng kanyang pagdadalawang-isip.
Ang Instrument of Accession ay ibinigay kay Duterte noong Enero sa unang Climate Change Commission and Advisory Board en banc meeting ng kanyang administrasyon.
Una nang nagpahayag ng pagdududa si Duterte sa treaty dahil sa pangangailangan nito ng pondo.
Ayon kay Duterte, masalimuot ang tratado para sa kanya dahil hindi nakasaad kung sino ang sasagot sa pondong $5 billion at ang mga lalabag nito ay hindi naman maparurusahan.
Pero sa kabila ng mga suliraning ito, inihayag ni Duterte na pipirmahan niya ang Paris Agreement dahil sa unanimous na resulta ng botohan ng Gabinete. (Argyll Cyrus B. Geducos)