Aabot sa P500,000 halaga ng perlas ang nakuha mula sa isang pasahero na nabigong magbayad ng import duties sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), sinabi ng Bureau of Customs (BoC) nitong Biyernes.
Sa pamamagitan ng X-ray machine sa nasabing airport, natuklasan ang mga itinagong perlas noong Marso 28, ayon sa BoC.
Nang inspeksiyunin, natagpuan ang mga perlas sa loob ng bagahe ng pasahero na kinilalang si Ansari B. Hassan na dumating sa bansa mula sa Hong Kong.
Ayon sa mga tauhan ng Customs, ito ay isang 48-inch strand pearls na itinago sa puting plastic bag.
Ayon kay Major Jaybee Raul Cometa, X-ray Inspection Project director, kinumpiska ng BoC ang mga perlas dahil si Hassan “did not have enough cash to pay for import duties.”
Kasalukuyang nasa pangangalaga ng BoC ang mga perlas para sa kaukulang eksaminasyon. (Betheena Kae Unite)