Nasa 24 na katao ang nasawi habang mahigit 20 iba pa ang nasugatan makaraang bumulusok ang sinasakyan nilang pampasaherong bus sa bangin na may lalim na 100 talampakan sa bayan ng Carranglan sa Nueva Ecija bago magtanghali kahapon.
Ayon kay Nueva Ecija Police Provincial Office director Senior Supt. Antonio Yarra, nasa 50 ang sakay sa Leo Marick bus (AUZ-757) nang mangyari ang aksidente dakong 11:00 ng umaga kahapon.
“Based on the our latest count, there are 24 dead bodies recovered. The rest are injured and they were taken to a hospital in Carranglan,” sinabi ni Yarra sa panayam ng Balita.
“Nahirapan pa tayong magsagawa ng rescue dahil malalim ang lugar at mahirap ang signal ng komunikasyon,” dagdag niya. “Sinikap na rin ng PNP, Army at ng LGU na makatulong sa pagre-rescue. Maging ang mga may pribadong sasakyan, tumulong na rin.”
Ayon kay Yarra, patungong Candon City, Ilocos Sur ang bus galing sa terminal nito sa Isabela nang mahulog sa bangin sa Barangay Capintalan sa Carranglan.
“With that deep, we assume that the victims suffered serious injuries. This could be the reason of that high number of fatalities,” ani Yarra.
Ayon kay Senior Insp. Robert de Guzman, officer-in-charge ng Carranglan Police, hindi pa malinaw sa kanila ang nangyari dahil wala pa silang nakukuhang impormasyon mula sa mga pasahero.
Gayunman, inihayag ni Yarra na isinalaysay sa pulisya ng ilang saksi kung paano nila nakitang humaharurot ang bus bago ito bumangga sa gilid ng kalsada hanggang sa mahulog sa bangin.
“Wasak na wasak ang sasakyan. Natanggal ang bubungan at gilid ng bus, kaya siguro tumilapon ang mga pasahero,” ani De Guzman. “Halos lahat ng pasahero, ‘yung patay at mga nasugatan, nasa labas sila ng bus.”
(LIEZLE BASA IÑIGO at AARON B. RECUENCO)