Plano ni Pangulong Duterte na iuwing kasama niya ang unang batch ng mga overseas Filipino worker (OFW) na pinagkalooban ng clemency at clearance sa Middle East, partikular na sa Saudi Arabia.

Bago umalis kahapon para sa isang-buwan niyang pagbisita sa tatlong bansa sa Middle East, inihayag ni Pangulong Duterte na sisimulan na ng gobyerno ang pagpapauwi sa mga OFW sa Saudi Arabia.

“Yes, they’ve been given the clearance. I will fly them home. Pagdating ko dito, dala ko na ‘yung iba,” sinabi ni Duterte sa press conference sa Davao airport, nang tanungin tungkol sa kapalaran ng mga Pinoy na nasa death row, na kabilang sa mga tatalakayin sa pagbisita niya sa Saudi Arabia, Bahrain, at Qatar.

“Doon sa Jeddah. Those who are given the permission or clemency to whatever it was, may clearance na about 5,000 of them, we’ll start bringing them back. The first batch, pagdating ko, pagbalik [kasama ko na],” anang Pangulo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Unang bibisitahin ng Presidente ang Saudi Arabia, na kamakailan ay nag-alok ng 90-araw na amnestiya sa mga hindi dokumentadong dayuhang manggagawa, kabilang ang mga Pilipino.

Mula sa Riyadh, bibiyahe si Duterte sa Kingdom of Bahrain para makipagpulong kay King Hamad bin Isa Al Khalifa in Manama, habang si Emir Sheikh Tamim bin Hamad Al Thani naman ang makakaharap niya sa Doha, Qatar.

Si Executive Secretary Salvador Medialdea ang itinalagang government caretaker habang nasa ibang bansa si Pangulong Duterte. (Genalyn D. Kabiling)