Pitong katao, kabilang ang tatlong bata, ang nasawi habang apat na iba pa ang nasugatan makaraang araruhin ng humaharurot na six-wheeler truck na minamaneho ng lasing ang ilang motorsiklo, isang motorela at maging naglalakad na mga pedestrian sa Cagayan de Oro City nitong Linggo ng gabi.
Kinilala ni Supt. Lemuel Gonda, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-10, ang mga napatay na bata bilang ang magkakapatid na Kenneth Abrio, 10; Sophia Abrio, 5; at Stephanie Abrio, 7, habang nasawi rin ang kanilang ama na si Ronnie Visande Abrio 46; sina Mae Bonior, 17; Vanessa Tadlas, 29; at Vevine Nacaya, 23 anyos.
Sugatan naman sina Kristel Anne Moldez, 30; Runie Acas Llubia, 44; Kent Bagolor Felicilda, 27; at Kurt Buhawe Angel, 22 anyos.
Sinabi ni Gonda na batay sa mga natanggap niyang report, nangyari ang aksidente sa Cugman National Highway sa Cagayan de Oro City, bandang 9:00 ng gabi nitong Linggo.
Ayon sa report, mabilis na minamaneho ni Freddie Talisayan ang Mitsubishi six-wheeler truck (YDY-562), ng El Raro Farm, sa highway kasama ang kapatid at pahinanteng si Felix Talisayan, nang salpukin nito ang isang Yamaha RS110 MC.
Ilang metro pa at binangga naman ng truck ang isang motorela at isa pang motorsiklo, bukod pa sa mga nagpulasan ng takbo sa paligid.
Huminto lamang ang truck nang bumangga ito sa isang sementadong pader, at kinuyog ng mga galit na galit na tao ang magkapatid, hanggang tuluyang madakip ang mga ito, ayon kay Gonda.
Ayon kay Gonda, ikinuwento ng pahinanteng si Felix na lasing na lasing ang kanyang kapatid at nasa 100 kilometro kada oras ang takbo nito nang mangyari ang aksidente.
Aniya, pinilit ni Felix ang kapatid na ito na lang ang magmamaneho ng truck dahil nga lasing si Freddie, pero iginiit umano ng huli na ito ang magmamaneho.
Nahaharap ngayon sa mga kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide and multiple serious physical injuries ang magkapatid. (May ulat ni Beth) Camia (FRANCIS T. WAKEFIELD)