Jessica Soho (2) copy copy

SUMMER ang pinakamagandang pagkakataon para maging foodie sa Pilipinas. Pero ngayong Linggo sa Kapuso Mo, Jessica Soho Culinary Tour Special, hindi lang tiyan ng mga manonood ang mabubusog kundi pati na ang kanilang kaalaman sa pamumuhay, kultura, at kasaysayan ng iba’t ibang lugar sa bansa sa pamamagitan ng pagtikim sa ipinagmamalaki nilang mga pagkain.

Ililibot ni KMJS host Jessica Soho, na aminado ring foodie, ang viewers sa ilan sa pinakamasarap pasyalan sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Kung gusto mo raw makilala ang food culture ng isang bayan, libutin ang kanilang mga pamilihan. Kaya sa Iloilo, nakipagsiksikan si Jessica sa mga palengke para alamin ang sekreto sa pagluluto ng batchoy at pag-iihaw ng inasal.

Ginang, na-swipe wrong sa dating app; na-scam ni 'Mr. Right' ng higit <b>₱</b>100K

Dadayuhin din niya ang pinakasikat na kapihan sa bayan — ang Madge Cafe.

‘Vitamin sea’ ang hanap ng marami tuwing summer. At sa mga karagatan ding ito nagmumula ang nagsasarapang seafood. Kaya dadayo ang KMJS sa Seafood Capital of the Philippines — sa Roxas, Capiz — na 24/7 ang kalakalan at non-stop seafood trip.

Kung may pagkaing Pinoy namang kakambal ng tag-araw, ito’y walang iba kundi ang halu-halo. Makalipas ang mahigit isang dekada, muling babalikan ni Jessica ang pamilya Razon na na-interview niya noon sa dati niyang programang Jessica Soho Reports. Paano nga ba naging malaking pangalan sa paghahalu-halo ang mga Razon hindi lang sa Pampanga kundi maging sa iba’t ibang panig ng bansa?

Sa mga gusto namang mag-road trip, punta na sa probinsya ng Cagayan upang lasapin ang impluwensya ng mga Tsino sa ating kulinarya. Maniningkit ang inyong mga mata sa sarap ng Chia Misua, Timtim, Miki-Niladdit at iba pang pamanang pagkain ng mga Tsino na niyakap na rin ng panlasa nating mga Pilipino.

Heritage tour naman ang gagawin sa Cebu ng KMJS. Bubuklatin ng programa ang antigong recipe book ng mga binansagang Culinary Lolas ng Queen City of the South na sina Lola Sayong, Lola Angeling at Lola Lilang. Sila ang ilan sa mga kauna-unahang kababaihan sa Cebu na pinag-aral ng pagluluto noong panahon ng mga Amerikano. Susubuking ihanda ng kanilang mga apo ang luto ng mga lola base sa pamana nilang recipe book.

Panahon din ng kaliwa’t kanang pista ang summer. Kaya makikisaya ang KMJS sa Kaamulan Festival ng Mindanao. Tampok dito ang mga tradisyunal na pagkain ng iba’t ibang mga tribu kasama na ang mga ipinagmamalaki nilang prutas. Dadayo rin ang programa sa “Fruit Basket” ng bansa — ang Davao. Alamin kung gaano kalaki ang industriya rito ng mga prutasan at sa paanong paraan ito makatutulong sa kapayapaan sa Mindanao.

Ito ang dapat panoorin bago magsipag-uwian sa mga probinsiya ngayong bakasyon, Kapuso Mo, Jessica Soho Culinary Tour Special ngayong Linggo (April 9) sa GMA-7.