NAUNSIYAMI ang hangad na pagpasok ng University of Santo Tomas sa Final Four round matapos walisin ng Adamson University, 25-23, 25-19, 25-17, kahapon sa UAAP Season 79 men’s volleyball tournament sa MOA Arena.

Wala na sa kontensiyon para sa huling semifinals spot, nagsilbing spoiler ang Falcons sa hangad ng Tigers na pormal na pag-angkin ng pang-apat na Final Four slot.

Maliban sa pag-antala sa Final Four entry ng Tigers, binigyan din ng Falcons ng pag -asa ang University of the Philippines (5-8) para makahabol sa nalalabing slot sa semifinals.

Nanguna sina John Philip Yude at Dave Pletado na kapwa nagtala ng tig-siyam na puntos para sa Adamson.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Sinamantala nila ang erratic na laro ng Tigers na nagtala ng 37 error.

Dahil sa kabiguan, nalaglag ang Tigers sa 6-7 marka at kailangan nilang ipanalo ang huling laban sa eliminations kontra ikatlong semifinalist Far Eastern University .

Sa isa pang laro, nagtala ng 15 hit, tatlong ace at dalawang block si Ismail Fauzi upang pangunahan ang National University na selyuhan ang ikalawang puwesto sa impresibong 25-15,25-15,25-18 panalo kontra sa sibak nang University of the East. Naitala ng NU ang ika-11 sunod na panalo. - Marivic Awitan