Nilinaw ni Pangulong Duterte sa government peace panel ang kanyang mga kondisyon para sa pinupuntiryang bilateral ceasefire sa mga rebelde.

Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, inatasan ni Duterte ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) na linawin ang mga kondisyon sa bilateral ceasefire agreement sa Communist Party of the Philippines/New People’s Army/National Democratic Front (CPP/NPA/NDF).

Ayon kay Abella, dapat na may malinaw na parameters o Terms of Reference for the Ceasefire, hindi kikilalanin ng pamahalaan ang anumang territorial claims ng CPP/NPA/NDF, titigilan na ng mga rebelde ang paniningil ng revolutionary tax at pangingikil, at palalayain ang lahat ng bihag nito.

Dati nang binanggit ni Duterte ang mga nasabing kondisyon, at sinabing bahagi rin ito ng dahilan kung bakit binawi ng gobyerno ang unilateral ceasefire at kinansela ang negosasyon noong Pebrero.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Sa press briefing sa Malacañang nitong Biyernes, sinabi ng chief peace negotiator na si Labor Secretary Silvestre Bello III na nais ni Duterte ang bilateral ceasefire sa mga rebelde bago simulan ang ikaapat na peace talks ngayong Linggo.

Kapwa hindi nagdeklara ng tigil-putukan ang magkabilang panig kahit pa naihayag kamakailan ng mga rebelde na magdedeklara ito ng unilateral ceasefire bago matapos ang Marso.

Sa kabila nito, sinabi ng NDF na patuloy nitong isusulong ang kapayapaan sa kabila ng hindi pagtupad ng gobyerno sa napagkasunduan sa backchannel talks noong nakaraang buwan.

Sa isang pahayag ni Fidel Agcaoili, NDF negotiating panel chairman, nitong hatinggabi ng Marso 31, sinabi niyang bukas ang NDFP sa anumang kondisyon kaugnay ng bilateral ceasefire na hinahangad ng magkabilang panig.

APRIL FOOLED?

Gayunman, nasorpresa ang NDF nang hindi pa rin ibinabalik ng gobyerno ang unilateral ceasefire nito, gayung ito ang napagkasunduan ng mga kinatawan ng magkabilang panig sa backchannel talks nitong Marso.

“The GRP’s last minute announcement not to restore its unilateral ceasefire constitutes an unexpected departure from the March 11 backchannel agreement where both parties agreed to simultaneously reinstate their respective unilateral ceasefires before the start on April 2 of the fourth round of peace talks,” ani Agcaoili.

Muling maghaharap ang magkabilang panig sa Utrecht, Netherlands para sa ikaapat na bahagi ng negosasyong pangkapayapaan na itinakda ng Abril 2-6. (ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS at YAS D. OCAMPO)