Sinabi ni Pangulong Duterte na tiniyak sa kanya ng China na hindi nito aangkin ang Benham Rise bilang bahagi ng teritoryo nito.
“They (China) explained that ‘we will not claim Benham Rise’, Benham Rise on the right side of the Philippines,” sinabi ni Duterte sa kanyang pagtatalumpati sa “Digong’s Day for Women” sa Malacañang nitong Biyernes ng gabi.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, inatasan na ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Office of the Executive Secretary (OES) na ikonsidera ang posibilidad na baguhin ang pangalan ng lugar at tawagin itong “Philippine Rise” upang bigyang-diin ang karapatan at hurisdiksiyon dito ng Pilipinas.
“A motion has been made subject to the conduct of the requisite legal and logistical study to effect the change,” sinabi ni Abella kahapon ng umaga.
Una nang umani ng batikos ang Presidente matapos niyang aminin na pinahintulutan niya ang China na galugarin ang Benham Rise, ngunit hindi ito naipaalam sa Department of National Defense (DND) at DFA.
Nilinaw na rin ni acting DFA Secretary Enrique Manalo sa isang panayam sa telebisyon na hindi pinahintulutan ng Pangulo ang China na galugarin ang Benham Rise, dahil pangkalahatang imbitasyon ang nangyari.
“He (Duterte) wasn’t referring to Benham Rise. He was referring to, for example, let’s say Russia sent a ship here.
‘You’re welcome to visit us as long as it’s friendly or in accordance with Philippine laws.’ It wasn’t in connection with the Benham Rise issue,” paliwanag ni Manalo. (Argyll Cyrus B. Geducos)