Nasamsam ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar ang sangkatutak na armas sa pagsalakay sa safehouse ng isang hinihinalang drug pusher sa Barangay Lahing-Lahing sa bayan ng Omar sa Sulu, na ikinaaresto ng apat na katao habang isa naman ang nasawi sa engkuwentro.
Sa report kay Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, director ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) regional police, kinilala ang mga naarestong sina Saudi Kalil Hamja, Adzmar Omar, Juli Sahirol, at Ayub Mangcabong, pawang sangkot umano sa bentahan ng droga sa Omar at sa mga kalapit na munisipalidad.
“They are also involved in cases of murder and arson. The arrest warrant issued against them in these cases were used as basis for the law enforcement operation,” sabi ni Sindac.
Ngunit sa operasyon nitong Miyerkules, pumalag ang grupo ni Hamja at nakipagbakbakan sa mga pulis.
Kinumpirma ni Sindac na nasawi sa sagupaan ang 32-anyos na si Ardin Akar Paling, na isa umano sa mga tagasunod ni Hamja.
Isa namang sibilyan, na kinilalang si Nong Haliludin, ang nasugatan makaraang madamay sa bakbakan. Kaagad siyang dinala sa ospital upang gamutin.
Ayon kay Sindac, nasamsam sa operasyon ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu, pitong M16 rifle na nakakabitan ng dalawang M2O3, limang M14 rifle, isang .22 caliber, tatlong carbine rifle, isang M79, isang AK47, at isang 60mm mortar. (FER TABOY at AARON RECUENCO)