CAMP RAFAEL C. RODRIGUEZ, Butuan City – Isang dating pulis, isang dating barangay kagawad at tatlong iba pa ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng “Double Barrel Reloaded” ng Police Regional Office (PRO)-13 sa Caraga region, kahapon.

Kasama ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 13, mga tauhan ng Drug Enforcement Unit ng Surigao del Norte Police Provincial Office (PPO), at Surigao City Police, nagsagawa ng pinagsanib na anti-illegal drug operation sa buy-bust na nagresulta sa pagkakadakip nina Felvin Libor, 36, dating pulis; at Jestoni Diaz Lastra, 19, sa Barangay Washington, Surigao City.

Nakumpiska mula sa kanila ang may kabuuang P70,800 halaga ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia, ayon kay PRO-13 Director Chief Supt. Rolando B. Felix.

Inaresto naman ng mga operatiba ng Madrid Municipal Police at Surigao del Sur PPO si Andy Sullano, 50, dating kagawad ng Bgy. Linibuna, Madrid. Kasama ni Sullano na inaresto si Val Francis Plaza, 25, at nasamsam mula sa kanila ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P4,000, ayon kay Felix.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Sa Bgy. San Isidro sa San Francisco, Agusan del Sur, inaresto naman ng mga pulis si Felipur Beldad, 32, makaraang makumpiskahan ng P11,800 halaga ng hinihinalang shabu. (Mike U. Crismundo)