Aiko-Melendez copy copy

PAPUNTA sa pagiging iconic ang character ni Gov. Emilia Ardiente-Torillo na ginagampanan ni Aiko Melendez sa Wildflower.

Hindi namin ito masyadong nasusubaybayan, pero nalaman namin sa feedback ng napakaraming avid viewers ng serye na ang napakalapit na istorya nito sa takbo ng pulitika sa Pilipinas ang isa sa mga dahilan kaya hindi sila makabitiw sa serye.

Sa feedback din nila namin nalaman na mas pinag-uusapan ang main female lead kaysa sa bida na si Lily Cruz o Ivy Aguas na ginagampanan naman ni Maja Salvador.

ALAMIN: Sino si Nicholas Kaufman na tatayong lead counsel ni FPRRD sa ICC?

Pero mukhang pinalalakas lang muna nang husto ang character ni Aiko habang inihahanda ang paghihiganti ng papel naman ni Maja.

“I admire Maja, she’s very down-to-earth. I’m praising her not because we’re working together at ‘di ko naman siya puwedeng i-bash porke lang kontrabida niya ako sa show namin, hindi na ‘yun totoo,” natawang sabi ni Aiko nang makausap namin last Thursday.

“She’s a smart actress. At marunong siyang makisama sa mga katrabaho. I’m not naming names, pero hindi siya katulad ng ibang artista ngayon na, alam mo ‘yon, pera-pera lang. Mahal ni Maja ang craft niya. Mahal niya ang trabaho namin.

“Ang dami kasi ngayon, lalo na ang mga baguhan, darating sa set, sisigarilyuhan ka sa harap. Parang... hello, sino po sila? Ako po si Aiko Melendez, sino po kayo? Pero siyempre iba na ako ngayon. Naku, kung inabot lang nila ako noon... alam n’yo ‘yan!” sabay tawang sabi.

At hindi na dapat pagtakhan kung bakit nagiging iconic ang character niya sa Wildflower dahil ini-enjoy niya ito.

“Enjoy ako sa character ko as Gov. Emilia, at lalo ko pang nai-enjoy dahil nang minsang nasa fine dining restaurant ako, may narinig akong tumatawag ng Gov... Gov... Hindi ko naman pinapansin, kasi ‘pag wala na ako sa set, iniiwan ko na siyempre ang character ko. Pero no’ng, Gov. Emilia... Aba, ako ‘yon! Ako ‘yon! Kasi ‘di ako magtataka kung hindi lugar ng A-B (class) ‘yon, pero mayayaman ang nandoon, at pinanonood din pala nila ang Wildflower.”

Tulad ng mga manonood, wish din ni Aiko na magtagal pa ang serye nilang ito.

“Gustung-gusto kong paglaruan ang dark character ni Gov. Emilia, kaya kahit siguro abutin kami ng limang taon o kahit iika-ika na ako sa katandaan, gagawin ko pa rin ‘yan,” natatawang sabi ng aktres.

Kung ganoon, tuluy-tuloy nga ang pag-akyat ni Gov. Emilia sa level ng iconic female villain na si Amor Powers.

(DINDO M. BALARES)